Pinag-aaralan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na maglaan ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga naadik sa sugal.
Ito’y kasunod ng pag-atake ni Jessie Javier Carlos, diumano’y nalulong sa sugal sa casino, sa Resorts World Manila sa Pasay City noong Hunyo 2, na ikinamatay niya at ng 37 iba pa.
Ayon kay PAGCOR Chairperson Andrea Domingo, kukonsultahin niya ang Commission on Audit (COA) at mga financial expert para makapaglaan ng pondo sa rehabilitasyon ng mga nalululong sa pagsusugal.
Maaari aniyang magtayo sila ng klinika kung saan nila ire-refer ang mga gambling addict para sa initial diagnosis.
Sakaling matuloy ang plano, ayon kay Domingo, dapat na voluntary ito dahil hindi naman maaaring puwersahin ang mga naadik sa sugal magpagamot.
Maglulunsad din ang PAGCOR ng mga kampanya sa radyo, telebisyon at mga pahayagan para isulong ang responsible gaming.
“We are in the process of preparing a more effective responsible gaming program. Nag-start na kami niyan last year.
Pero siguro ngayon lalo naming pagbubutihan,” ani Domingo. (Mary Ann Santiago)