Nakaalerto ang mga pulis sa Metro Manila sa harap ng mga banta mula sa mga kasamahan at tagasuporta ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Ayon kay Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), hindi niya masasabing ligtas ang Metro Manila sa Maute Group ngunit siniguro niya ang mas pinaigting na seguridad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Metro Manila.
“We are on alert. We cannot say that because they might be able to sneak into. But we are always on guard, we are always on alert,” pahayag ni Dela Rosa.
Matatandaan na paulit-ulit na ipinangako ng Maute ang katapatan sa ISIS. Una nang sinabi ng militar na may ilang banyaga na nakikipaglaban kasama ng Maute sa Marawi City, Lanao del Sur.
Kahapon, sinabi ng defense minister ng Indonesia na aabot sa 1,200 miyembro ng ISIS ang nasa Pilipinas, bagamat kinuwestiyon ito ni Defense Secretary Delfin Lorenzana. (Aaron Recuenco)