LEMERY, Batangas - Nasawi ang isang negosyante matapos na sumalpok ang minamaneho niyang pick-up sa isang pampasaherong jeepney na kinalululanan ng limang katao, na pawang nasugatan sa aksidente sa Lemery, Batangas.

Namatay habang ginagamot sa Metro Lemery Medical Center si George Mortel, 42, habang sugatan naman ang driver ng jeep na si Martin Sanchez, 62, kapwa taga-Agoncillo, Batangas.

Nasugatan din ang mga pasahero ng jeep na sina Mary Gold Sangalang, 21; Jeslyn Marcellana, 22; Herminia Tolentino, 71; at John Lerry Ornales, 19 anyos.

Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), dakong 7:00 ng umaga nitong Sabado at binabagtas ng Suzuki pick-up na minamaneho ni Mortel ang highway ng Agoncillo-Talisay Road sa Barangay Ayao-Iyao, Lemery nang mawalan ng kontrol sa manibela at sumalpok sa kasalubong na jeep sa kabilang lane. (Lyka Manalo)

Probinsya

15-anyos na dalagita, patay matapos umanong gahasain ng 13 lalaki