Makaraang matalo sa isang dikit na laban noong nakaraang season, nagawang makabawi ng University of Santo Tomas upang muling magkampeon sa pagtatapos ng UAAP Season 79.
Naibalik ng Tigers ang overall championship matapos nilang makatipon ng kabuuang 310 puntos.
Ang kampeonato ang ika-41 pangkalahatan ng UST at kanilang ika-16 sa nakalipas na dalawang dekada.
Tinampukan ng nasabing panalo ang paghahari ng Tigers sa pitong events na kinabibilangan ng men’s at women’s beach volleyball, men’s at women’s judo, men’s table tennis, men’s taekwondo at women’s athletics.
Nagtala rin sila ng second place finishes sa women’s taekwondo, poomsae, men’s at women’s lawn tennis, men’s fencing, baseball, softball, at women’s football.
Pumangalawa sa kanila ang De La Salle University na may natipong 271 puntos.
Ang bulto ng puntos ng Green Archers ay mula sa pagwawagi nila sa men’s basketball, poomsae, women’s table tennis, women’s volleyball, at women’s football.
Sumunod naman sa kanila ang Ateneo de Manila University na may 233 puntos.
Ang Blue Eagles ang nagkampeon sa men’s swimming, men’s volleyball, baseball, at men’s football.
Pumang-apat naman ang kapitbahy ng Ateneo sa Katipunan na University of the Philippines na may 214 na puntos.
Bagamat 211 lamang sa kabuuang 29 na events ang sinalihan, pumanglima pa rin ang National University na may 185 puntos.
Kasunod nila at nasa ika-6 na puwesto ang Far Eastern University na may 168 puntos makaraang lumahok sa 19 na events.
Nasa pampitong puwesto naman ang University of the East na may 155 puntos at pangwalo ang Adamson na may 90 puntos. - Marivic Awitan