ANG patuloy na pagtaas ng karagatan dahil sa pag-iinit ng planeta ay magbubunsod upang mapadalas pa ang pagbabaha sa mundo sa kalagitnaan ng siglo, partikular na sa mga tropical region, ayon sa mga mananaliksik.

Ang 10-20 sentimetrong pagtaas ng karagatan sa daigdig pagsapit ng 2050 ay maaaring magdoble sa panganib ng pagbabaha sa mga high-latitude region, saad ng mga mananaliksik sa journal na Scientific Reports.

Ang mga pangunahing siyudad sa North American seaboard, gaya ng Vancouver, Seattle, San Francisco at Los Angeles, kasama ang mga nasa baybayin sa European Atlantic, ay higit na malalantad, nadiskubre sa pananaliksik.

Ngunit higit na magiging malaki ang pagtaas ng tubig sa karagatan sa mga tropical country, kabilang ang mga malapit sa matataong ilog sa Asia at Africa.

Kahit pa ang mga maituturing na hindi masyadong matindi ang panganib, gaya ng Mumbai, Kochi, Abidjan, at iba pang mga lungsod ay maaapektuhan din.

“We are 95 percent confident that an added 5-to-10 centimetres will more than double the frequency of flooding in the topics,” sabi ng pangunahing awtor na si Sean Vitousek, isang climate scientist sa University of Illinois sa Chicago.

Lulubha rin ang pagbabaha sa maliliit na islang estado, na matagal nang lantad at apektado ng pagbabaha.

“An increase in flooding frequency with climate change will challenge the very existence and sustainability of these coastal communities across the globe,” ani Vitousek.

Ang matinding pagbabaha ay dulot ng pananalasa ng malalakas na bagyo, at pinatindi pa ng kumbinasyon ng naglalakihang alon, daluyong at high tide.

Isang malinaw na halimbawa nito ang nasaksihan sa pananalasa ng bagyong Haiyan (‘Yolanda’) sa Pilipinas noong 2013, na ikinasawi ng mahigit 6,000 katao.

Ang antas ng tubig ay tumataas ng tatlo hanggang apat na milimetro kada taon, ngunit bumilis pa ito ng 30 porsiyento sa nakalipas na dekada.

Kung tumaas pa ng hanggang 25 sentimetro ang karagatan sa kalagitnaan ng siglo, “flood levels that occur every 50 years in the tropics would be happening every year or more,” aniya.

Tinaya ng US National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA) na tataas ang pandaigdigang antas ng tubig sa karagatan ng hanggang 2.5 metro pagsapit ng 2100. (Agencé France Presse)