RIA copy

“AY, si Dra. Guia (Divinagracia) maysakit?”

Isa lang ito sa mga narinig namin sa mga nakakita kay Ria Atayde nang abutan namin siya sa emergency room ng The Medical City madaling araw kahapon.

Galing sa taping ng My Dear Heart si Ria nang isugod sa ospital dahil sa taas ng lagnat na ayon sa findings ng tests ay acute pharyngitis.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang tuluyang pagkalas ng Pilipinas sa ICC noong Marso 17, 2019

Inabutan namin si Ria na naka-dextrose at agad tinurukan ng injection at walang tigil ang check-up.

Narinig naming pinagsasabihan si Ria ng parents niyang sina Sylvia Sanchez at Art Atayde na magpahinga muna siya dahil sa lahat daw ng magkakapatid ay ang dalaga ang pinakamahina ang immune system.

Bumagsak ang immune system ni Ria dahil isinabay niya ang araw-araw na tapings ng My Deart Heart, pagda-diet, at paggi-gym.

“Hindi mo naman puwedeng sabay-sabayin lahat ‘yun, Ria, dapat maggi-gym ka lang kapag kumpleto ka sa tulog. Kung puyat ka, hindi puwede ‘yan,” sabi ni Ibyang sa anak.

Natuklasan tuloy na ilang araw na palang maysakit ang baguhang aktres pero hindi lang iniinda dahil nga araw-araw ang tapings ng MDH at hindi siya puwedeng um-absent. Sa itinatakbo kasi ng kuwento ng serye na umere nitong Martes, nalaman nang anak pala ni Dra. Guia (Ria) si Heart (Nayomi Ramos).

Maganda ang execution ng eksenang tinatanong ni Clara (Bela Padilla) si Dra. Guia (Ria) kung bakit siya umiiyak at yakap-yakap si Heart sa hospital bed nito, na hindi naman siya sinasagot.

Ang lola ni Heart na si Dra. Margaret Divinagracia (Coney Reyes) ang nagtapat kay Clara kung sino ang tunay na ina ng bata.

So, balik naman ang eksena sa tunay na buhay ni Ria sa ospital. Habang tsine-check-up siya ay nakatanggap siya ng mensahe mula sa MDH production na puwedeng hindi muna siya mag-taping (kahapon). Kaya nakapagpahinga ang bagets. Pero babalik na siya sa trabaho ngayong araw dahil hindi siya puwedeng mawala ng matagal sa kritikal nang mga kukunang eksena.

Ilang linggo na lang kasi ang My Dear Heart kaya sunud-sunod na ang mga rebelasyon ng kuwento.

Bago naman nag-alas kuwatro ng madaling araw kahapon ay pinauwi na ang dalaga dahil bumaba na ang lagnat niya. ‘Yun nga lang, sangkaterbang gamot ang ipinaiinom sa kanya at ang bilin ng doktor, “You need to rest for two weeks” na kaagad sinagot ni Ria ng, “Hindi po puwede doc.”

(Editor’s note: ‘Yan po ang reality sa trabaho ng mga artista, na inaakala ng maraming glitz and glamour lang.)

(REGGEE BONOAN)