Hindi nangimi ang awtoridad na arestuhin ang kanilang kabaro na umano’y nagbebenta ng ilegal na droga sa Teresa, Rizal kamakalawa.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si PO1 Fernan Manimbo, 33, na nakatalaga sa drug enforcement unit (DEU) ng Teresa Municipal Police Station at residente ng Barangay Bravo, Gen. M. Natividad, Nueva Ecija.

Ayon kay Police Senior Supt. Albert Ocon, Rizal Police Office director, bagamat nakatalaga sa DEU si Manimbo, kabilang siya sa “high value targets” ng Rizal kaya siya ay minanmanan.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang awtoridad na may transaksiyon ang suspek sa Bgy. Bagumbayan sa Teresa, kaya sinundan at inaresto ito nang maaktuhang nagtutulak ng 20 pakete ng umano’y shabu, na may bigat na 100 gramo at nagkakahalaga ng P200,000, dakong 1:00 ng madaling araw kamakalawa.

Eleksyon

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?

“He’s about to hand over 20 sachets of suspected shabu with more or less market value of P200,000. And ito po ay mga less 100 grams,” ani Ocon.

Ikinagulat naman ng suspek ang pagkakaaresto sa kanya dahil kasama pa umano siya sa inilunsad na buy-bust operation noong nakaraang araw.

Giit niya, naipit lamang siya sa operasyon at handa niyang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.

“Naipit lamang po ako sa operation, lahat ng ‘yan sasagutin ko po sa korte,” aniya pa. (Mary Ann Santiago)