KATUPARAN ng pangarap ni Rio Olympic silver medalist Hidilyn Diaz ang pagbubukas ng kanyang weightlifting gym sa Mampang, Zamboanga City.

Matagal nang nais ni Diaz na makapagpatayo ng gym sa kanyang bayan upang matulungan ang kanyang mga kababayan na umunlad sa sports na tulad nang naganap sa kanyang buhay.

“Primary purpose ko po talaga is gusto ko pong tulungan mga bata sa amin na ma-realize ang dream nila sa weightlifting. Sa weightlifting, posibleng magbago ang buhay nila at baka maging kagaya nila ako o baka sila pa ang mag-uwi ng gold medal sa Olympics,” sambit Diaz, pumawi sa 20-taong pagkauhaw ng Pinoy sa Olympic medal.

Ayon kay Diaz, ang Philippine Sportswriters Association (PSA) Athlete of the Year, na nadudurog ang kanyang puso sa tanawin na nagsisiksikan at nagsasanay kahit kulang sa kagamitan ang kanyang mga kababayan.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

At para makatipid sa pamasahe ang mga nagnanais na magsanay, itinayo ni Diaz ang gym malapit sa eskwelahan.

Pangangasiwaan ng kanyang pinsan at regional coach na si Allen Jayfrus Diaz ang pagbibigay ng kaalaman sa mga kabataan kasama ang ilang senior weightlifters na nakasam niya sa kanyang career.

“Kapag umuuwi ako sa Zamboanga, tinuturuan ko ang mga bata and ina-advice ko sila kung ano mga kailangan nila i-improve at palakasin. Minsan din via Facebook group na lang, doon ko tinitignan ang mga mali nila sa training at sinasabi ko doon kung anong correction and dapat gawin,” sambit ni Diaz.

Sa kabila nito, may agam-agam sa puso ni Diaz, kasalukuyang nag-aaral sa St. Benilde, bunsod na rin ng katotohanan na kulang pa ang mga kagamitan sa kanyang weightlifting gym tulad ng rubber mats at barbells.