SI Coco Martin ang tinanghal na Best Actor sa 25th KBP Golden Dove Awards para sa FPJ’s Ang Probinsyano at ayon sa aktor ay ikalawang award na sa kanya ito ng naturang award-giving body.
Magdadalawang taon na nga pala ang aksiyon serye ni Coco kaya dalawa na ang awards niya sa kaparehong kategorya.
Ang mga manonood na patuloy na sumusuporta ang pinasalamatan ni Coco nang tanggapin niya ang award. Grateful siya na patuloy na naniniwala sa FPJ’s Ang Probinsyano ang televiewers kaya mas lalo siyang ginaganahan kasama ang buong staff and crew ng Dreamscape Entertainment. Inspired sila para lalo pang pagandahin ang show at nang mas marami pa silang matulungan sa pamamagitan ng programa.
Inamin ng aktor na napakaraming ng tao na nagsilbing inspirasyon nila kaya inspirasyon din ang dulot nito sa manonood. Ibinahagi rin niya na marami ang natutuwa na muling napapanood sa Ang Probinsyano ang ibang artista na inakala nilang retired na.
Sa umereng kuwento nitong nakaraang Lunes, nalaman na ni Cardo (Coco ) ang ginawang pagpaslang ni Joaquin (Arjo Atayde) sa kakambal niyang si Ador.
Naging madamdamin ang tagpo nang aminin ni Colonel Carreon (Art Acuña) ang madugong pagpatay at pangtatraydor ni Joaquin kay Ador, ikinagalit nang husto ng kakambal at ng kanilang lolo na si Delfin (Jaime Fabregas).
Sumumpa si Cardo na ipaghihiganti ang kapatid at sisiguraduhing mahuhuli at pagbabayarin si Joaquin sa lahat ng kasamaan nito.
Ang madamdaming mga eksena noong Lunes ay nagtala ng national TV rating na 38.9% kumpara sa Encantadia na nakakuha naman ng 22%, ayon sa televiosion viewership survey data ng Kantar Media.