HINDI titulo o kampeonato ang habol ng Malacanang Kamao basketball team. Nais nilang manalo para sa iisang layunin – makatulong sa mga batang may sakit na kanser.
Nabigo man sa championship, sapat na ang runner-up finish ng Kamao para matupad ang adhikain nang kanilang i-donate ang premyong P1 milyon sa mga batang pasyente sa Philippine Children’s Medical Center sa Diliman, Quezon City.
Pinangunahan ni Presidential Management Staff (PMS) Asst. Secretary for Regional Concerns Joseph ‘Joy’ Encabo ang pagkakaloob ng saya’t tuwa sa mga batang may kanser sa isang payak na programa kamakailan.
“Kayo po (mga batang may kanser) ang napili ng PMS-Malacanang Kamao na maging beneficiary nang P1 milyong premyo na napagwagihan ng team sa UNTV Cup,” pahayag ni Encabo.
“Mismong si Pangulong Duterte po kahit noon pa sa Davao ay talagang umaayuda ng tulong sa mga bata, higit sa mga may sakit ng kanser. Napakalungkot po, pero nagpapasalamat kami sa inyong mga magulang sa pagkalinga ninyo sa inyong mga anak na may sakit at sa mga doktok dito sa PCMC na mistulang magulang na rin ng mga bata,” aniya.
Nakiisa rin sina Arnel Ignacio, Asst. Vice President for Community Relationss and Social Services ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) at PMS Director Victor B. Lorenzo sa programa at pag-abot ng P1M halaga ng tseke para sa mga pasyente na kinatawan ni Ms. Jara Corazon Eherea, Deputy Director ofr Hospital Support Services ng PCMC.
“Kapag naririnig natin ang Pagcor agad-agad sugal ang pagkakaintindi natin. Hindi na po ngayon. Kalusugan na ang Pagcor dahil 80 porsiyento ng kinikita sa Pagcor ay napupunta sa health services,” sambit ni Ignacio.
Sinabi ni Encabo na simula pa lamang ito para sa magaan na hinaharap ng mga batang may kanser.
‘Kung nag-champion kami P2 milyon ang donation namin. Pero manalo o hindi, gagawa po tayo ng paraan para masuportahan ang pangangailangan na ating mga kababayan, higit ang mga batang kinakalinga ng PCMC at nang iba pang pagamutan sa bansa,” pahayag ni Encabo. (Edwin Rollon)