Nauwi sa trahedya ang seremonya para sa pagtatapon ng mga nakumpiskang paputok sa Boac, Marinduque matapos na sumabog ang mga ito, at dalawang pulis ang grabeng nasugatan.
Kinumpirma ni Chief Supt. Wilben Mayor, director ng Police Regional Office (PRO)-4B ng MIMAROPA (Mindoro Oriental at Occidental, Marinduque, Romblon, at Palawan), ang pagkakasugat nina PO2 Jeffrey Gutierrez at SPO2 Nelson Ricohermoso, kapwa nakatalaga sa Boac Police.
“They suffered serious injuries but they are now in stable condition,” sabi ni Mayor.
Ayon sa kanya, itatapon ng mga biktima, katuwang ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang 82 kahon ng nakumpiskang paputok nitong Miyerkules nang mangyari ang trahedya.
Nobyembre ng nakaraang taon nang abandonahin ang mga nasabing kahun-kahon ng paputok sa palengke ng Boac.
“Sisimulan na sana nila ang disposal process nang aksidenteng sumabog ang mga paputok at tinamaan sila (dalawang pulis),” kuwento ni Mayor.
Dagdag pa niya, napinsala rin ng pagsabog ang isang police patrol car at isang fire truck. (Aaron B. Recuenco)