INAASAHANG sa susunod na dalawang dekada ay tataas ang mga kaso ng drug-resistant tuberculosis (TB) sa apat na bansang may pinakamaraming kaso ng sakit, ayon sa bagong pag-aaral ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention.
Sa kasalukuyan, halos 40 porsiyento ng lahat ng kaso ng drug-resistant TB ay naitala sa Russia, India, Pilipinas at South Africa, bumubuo sa mahigit 230,000 kaso ng mga sakit na hindi na tinatablan ng gamot na naitala noong 2015, ayon sa pag-aaral na inilathala ngayong linggo ng journal na Lancet Infectious Diseases.
Gamit ang mathematical model na nagsasama-sama sa mga datos mula sa iba’t ibang source, tinatayang pagsapit ng 2040 ay aabot na sa 32.5 porsiyento ng mga kaso ng TB sa Russia, 12.4 na porsiyento sa India, 8.9 na porsiyento sa Pilipinas, at 5.7 porsiyento sa South Africa ang magiging multidrug-resistant, o hindi tinatablan ng mahigit sa isa sa mga pangunahing gamot para sa nasabing sakit.
Maikukumpara ito sa halos sangkapat na bahagi ng mga kaso sa Russia, 7.9 na porsiyento sa India, anim na porsiyento sa Pilipinas, at 2.5 porsiyento sa South Africa noong 2000.
Higit pa rito, nadiskubre ng pag-aaral na ang pagkakahawa ng sakit sa pagitan ng mga tao, kumpara sa hindi epektibong gamutan, ang higit na nagpapataas ng panganib na magkaroon ng epidemya nito sa susunod na dalawang dekada.
Dahil dito, “we cannot focus solely on curing people with tuberculosis or drug-resistant tuberculosis if we want to halt the epidemic,” sabi ni Aditya Sharma ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention, na nanguna sa pag-aaral.
“Even if we prevent new drug-resistant infections, there are enough current cases to keep the epidemic going, and drug-resistant tuberculosis will continue to be an increasingly dangerous threat so long as resistant strains spread through the air from one person to another,” sabi ni Sharma.
Upang mabawasan ang pagdami ng kaso ng drug-resistant TB, inirekomenda ng pag-aaral na isabay sa gamutan ang mga paraan upang mapigilan ang pagkalat ng sakit, gaya ng maagang pagtukoy sa karamdaman, pagbabawas sa bilang ng mga pasyente na hindi nakakakumpleto sa gamutan, at pagkakaloob ng pasadyang gamutan depende sa kung aling gamot ang hindi tumatalab sa pasyente.
Bagamat ang TB ay isang sakit na mabilis na naihahawa, ang pagkonsumo at maling paggamit ng antibiotics, o hindi pagkumpleto sa gamutan, ay nagdudulot upang kalaunan ay hindi na tablan ng gamot ang TB bacteria.
Batay sa huling datos, nasa sangkatlong bahagi ng populasyon ng mundo ang apektado ng TB, at 10.4 na milyon ang dinadapuan ng aktibong Tuberculosis kada taon. (PNA)