HINDI pa rin pala tapos ang isyu kina Daniel Padilla at Richard Reynoso and for the last time (siguro), nilinaw ni Richard na ang pinuna niya ay ang performance ni Daniel at hindi ang pagkatao nito.
“Ang pinuna ko ay hindi ang pagkatao ni Daniel Padilla. Unfair for me to do that since I don’t know him personally. Naging fan din niya ang panganay ko and even watched his movies with her.
“Ang pinuna ko ay ang performance niya at kung bakit isinalang siya ng ganu’n na lang. Mukhang napabayaan ‘yung tao dahil ‘di niya forte ‘yung piniling kanta. Me binabagayan ang lahat ng boses. Me ibang timbre ‘pag kumanta ka ng pop at ‘pag kumanta ka ng standards lalo kung ang kanta na pinili mo halos alam na ng karamihan ang tono.
“Di siya pinagsuot ng in-ear monitor na kadalasan ay ginagamit ng mga singers ‘pag kumanta sa malaking venue tulad ng Big Dome na kadalasan ‘di marinig ang boses lalo na’t gumagalaw ka.
“Bakit ganu’n ang ipinagawang blocking niya sa pagkanta? ‘Di niya marahil kasalanan ‘yun dahil maaaring ‘yun ang ipinagawa ng director sa kanya. Ngayon lang nangyari na ganu’n ang blocking ng nagsi-serenade sa beauty pageant na ‘di nilapitan ang mga kandidata.
“Bakit pinilit pinakanta ng live ‘yung bata kung wala pala sa kundisyon gawa ng biyahe, ASAP at rehearsals? Nu’ng nagsabi ako na wala na bang iba, para ‘yun du’n sa namili sa kanya at ‘di inisip kung kakayanin niyang mag-perform ng maayos nu’ng gabing ‘yun. Huwag naman gawing reason ‘yun kaya ‘di nakakanta ng maayos kasi tinanggap niya ‘yung trabaho.”
Tinapos ni Richard ang kanyang FB post sa paghingi ng paumanhin.
“Sorry kung na-offend ko ang sinumang fans ni Daniel. Hindi yun ang intention ko kundi ang mag-react, comment sa PERFORMANCE niya nu’ng gabing ‘yun at HINDI ANG PAGKATAO NIYA dahil ilan sa mga kamag-anak nu’ng bata ay kaibigan ko.
“Sana na-explain ko ng maayos ang punto ko.” (NITZ MIRALLES)