SALUDO ako sa mga positibong resulta ng imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa magkakasunod na pagsabog sa Quiapo nitong nakalipas na linggo, ngunit medyo kinakabahan ako kapag naglalaro sa aking isipan ang napuna kong kontradiskyon sa sinasabi ng kanilang mga pinuno.
At ang mas lalo pang nagpapakabog sa aking dibdib ay ang agad-agad na pagbalewala sa anggulong terorismo ni Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, director ng Manila Police Department (MPD), na agad namang sinakyan ni Director Oscar D. Albayalde, Regional Director ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), gayong ni maliit na bahagi ng “post blast investigation” ay hindi pa nauumpisahan ng mga oras na iyon. Hindi pa ‘man kasi nagtatanong ang mga taga-media, todo tanggi na gad sa anggulo ng terorismo ang mga opisyal na ito ng PNP. Kapag ganito kasi ay halatang-halata ang “overkill” na pag-downplay nila sa anggulo ng terorismo.
Lalo pa nga at ang naging takbo ng imbestigasyon ay lumilitaw na “paghihiganti” lamang ng isang pamilya laban sa umargabyado sa kanila. Away pamilya lamang, ngunit ang istilo sa panggugulo ay mala-terorista— ang paggamit ng improvised explosive device (IED) na alam nating lahat na mga terorista lamang ang may kakayahang gumawa nito.
Tila minamaliit lamang ng ating mga pulis ang bombang sumabog sa isang peryahan sa Quiapo noong Abril 28 dahil hindi naman umano “high explosive” ang ginamit na pampasabog kundi isang homemade “pipe bomb”, ngunit sila rin ang nagsabing cell phone naman ang pinaka-triggering device nito – o ‘di ba high-tech ang bombang ito para gamitin sa isang maliit na away pamilya lamang, o baka naman pamilya ng mga terorista itong mga nag-aaway-away kaya ganito katindi magalit sa isa’t isa.
Hindi biro ang mga nakuhang sangkap sa paggawa ng bomba sa sinasabing safehouse ng isa sa mga suspek na si Abel Macaraya, 35, sa may P. Casal Street sa Quiapo, Maynila. Kahit na sabihin pa nila na isang “bomb-maker for hire” lamang ang responsable sa mga pagsabog na ito, hindi dapat maliitin ang anggulo ng terorismo—tandaan natin na mga terorista lamang dito sa ‘Pinas ang pinakabihasa sa paggawa, paghawak, at pagpapasabog ng mga bombang katulad ng nakumpiska ng mga pulis – “signature” ito ng grupo ng mga teroristang galing sa Mindanao!
Sa magkasunod na pagsabog nitong Sabado ng gabi, malinaw na ang target ay si Nasser Abinal, regional director ng Bureau of Internal Revenue (BIR), dahil ang pakete na may bomba ay nakapangalan sa kanya. Ang taong tatanggap sana ng package at ang nag-deliver nito na isang Grab driver ang napatay sa biglang pagsabog ng bomba, bandang 5:55... ng hapon habang ang ikalawang pagsabog ay naganap dakong 8:25 ng gabi.
Naniniwala akong ang ikalawang bombang pinasabog ay para sa mga pulis na nag-iimbestiga sa lugar dahil naganap ito kahit wala pa ang sinasabing target, at sa palagay ko, nasa lugar lamang ang may pakana nito kaya nai-timing ang pagsabog ng bomba habang nag-iikot ang mga nag-iimbestigang pulis. Umabot sa 13 katao ang nasugatan dito kabilang na ang dalawang pulis na imbestigador.
Feeling ko lang – baka nga kasama pa sa tinatarget sina RD Albayalde at DD Coronel na alam nating lahat na palaging personal na pinupuntahan ang mga lugar ng mga ganitong uri ng krimen…mabuti na lang at ‘di ito nangyari dahil siguradong tatawagin agad itong “act of terrorism” ng mga awtoridad.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)