ISA sa maagang dumating sa session kahapon sa Kongreso ang napabalitang binawian na raw ng buhay na si Congresswoman Imelda Marcos.
Kuwento sa amin ni Cong. Winston Castelo ng 2nd District ng Quezon City, nagpakuha pa nga raw siya ng picture kasama ang dating unang ginang.
Nagkabiruan pa raw sila ni Madam Imelda at napag-usapan ang kasabihan na kapag napabalitang pumanaw ang isang tao ay tiyak na hahaba pa ang buhay. Kaya hindi raw malayong humaba pa ang buhay ni Imelda.
Sa social media unang kumalat ang nakuryenteng balita na sumakabilang-buhay na si Mrs. Marcos at isa sa nakitaang nag-tweet hinggil dito ay ang asawa ni dating Senador Bong Revilla, Jr. na si Mayor Lani Mercado.
Agad namang nag-sorry si Mayor Lani na nagsabing ibinalita lang daw sa kanya ‘yun. Pero sa isang interview, nagtataka siya kung paano lumabas sa kanyang Twitter account ang nasabing isyu.
Hindi naman daw siya ang nag-post noon at hindi naman daw niya ugaling mag-post ng mga ganoong klaseng isyu lalung-lalo na kung walang katotohanan ang balita.
May post din naman ang anak niyang si Cavie Vice-Gov. Jolo Revilla na na-hack daw ang Twitter account ng kanyang ina.
Pinaiimbestigahan na nga raw nila kung ano ang nangyari.
Humingi na rin ng apology si Mayor Lani sa pamilya ng mga Marcos dahil daw sa ginawa ng hacker ng account niya.
Naguluhan tuloy ang isang nakausap naming mambabatas hinggil sa paghingi ng tawad ni Mayor Lani. Mukhang naiba raw kasi ang unang pahayag niya na kesyo may nagbalita lang sa kanya, pero biglang isinisisi na sa “hacker” ang pangyayari. (Jimi Escala)