doroy copy

CEBU CITY – Nagamit nina national pool member AllaneyJia Doroy at Daniel Quizon ang malawak na karanasan sa international play para madomina ang kani-kanilang division sa National Age Group Chess Championships kahapon sa Robinson’s Galleria dito.

Tinapos ni Doroy ng Surigao del Sur at 2016 Asian Youth Chess Championships gold medalist ang torneo sa malinis na marka tungo sa 9.5 puntos sa 11 rounds at angkinin ang korona sa U18 girls class. Sa pagkapanalo sa Bangkok Open kamakailan, nakakuha ang 16-anyos ng 92 FIDE points.

Wala ring gurlis na tinapos ni Quizon ang kampanya sa U14 boys class para makopo ng ipinagmamalaki ng Dasmarinas, Cavite at regular ASEAN Age Group Chess Championships gold medalist ang kampeonato.

Trending

Babaeng gusto na magkaanak, nakipag-s*x sa iba dahil laging busy ang partner niya

Bumuntot sa kanila sa torneo na itinataguyod ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu at ni Marty Pimentel, sa pakikipagtulungan ng Philippine Sports Commission (PSC) sina Laila Camel Nadera (8 puntos) ng Cebu at Alexis Anne Osena (7.5) ng Lipa, Batangas sa U18 girls.

Sa U14 boys, pumangalawa si Jave Mareck Peteros (8) ng Cebu kasunod si Justine Diego Mordido (7.5) ng Dasmarinas, Cavite.

Patuloy naman ang pangunguna ni National pool member at seasoned international campaigner John Marvin Miciano sa U20 boys tangan ang 1.5 puntos na bentahe sa bumubuntot na karibal.

Magkasosyo naman sa liderato ng U20 girls sina national pool member WFM Marie Antoinette San Diego, Venice Vicente at Mira Mirano tangan ang parehong 9.5 puntos.

Nangunguna rin sa kani-kanilang division sina Kylen Joy Mordido (U16), Irish Yngayo (U14), Jerlyn Mae San Diego (U12), at Antonella Berthe Racasa (U10) sa girls class; gayundin sina Brylle Gever Vinluan at Dale Bernardo (U18), Christian Mark Daluz at Lee Roi Palma (U16), Michael Concio, Jr. (U12), Cedric Kahlel Abris (U10) at Al-Basher Buto (U8).