SA pagsisimula pa lamang ni Bianca Umali sa taping ng Mulawin vs Ravena, masayang-masaya na siya.
“Sa totoo po, nang sabihin pa lamang sa akin na kasama raw ako sa telefantasya, excited na ako,” kuwento ni Bianca nang makausap sa Enchanted Kingdom para i-present nang live ang cast nila. “Dream come true po kasi sa akin ang telefantasya, dahil bata pa ako, gustung-gusto ko nang magsuot ng costume ng Mulawin. Tuwing Halloween party, iyon ang suot ko. Curious po ako kung paano sila lumilipad, kaya madalas, tumatayo ako sa sofa namin sa bahay, kunwari lumilipad ako.
“Kaya po napaiyak pa ako nang una kong isuot ang costume ko rito dahil gagampanan ko ang role ni Lawiswis, katambal ko si Pagaspas na gagampanan ni Miguel (Tanfelix). Hindi po naman mabigat ang costume na isinusuot ko, mabigat lang ang pakpak na gamit ko sa paglipad at ang pagsusuot ng harness. May contact lens akong isinusuot at hindi ko nakikita ang sides ko, kung saan lang ako nakaharap iyon lang ang nakikita ko, kaya po sinasanay ko rin ang sarili ko na maramdaman ang right at left side ko sa pakikinig sa kausap ko.”
Lahat ng dreams ni Bianca, natutupad, kailan naman kaya siya magkakaroon ng dream boy?
“Wala pa po akong dream boy. Yes, may nagpaparamdam po pero lahat sila dumadaan kay Lola. P’wede po lamang akong magpaligaw at 18, at next year pa iyon. Basta comfortable po ako kay Miguel dahil sa simula ko pa lang sa showbiz, siya na ang katambal ko palagi.
“Sa ngayon tutok pa po ako talaga sa work at studies ko. At excited na po akong makita ang sarili ko na lumilipad sa screen, sa ngayon po kasi, wala pa akong eksenang lumilipad.”
Mapapanood na ang pilot telecast ng Mulawin vs Ravena sa Mayo 22, pagkatapos ng 24 Oras. (Nora Calderon)