BAGAY na pang-Mother’s Day ang pelikulang Our Mighty Yaya ni Ai Ai de las Alas dahil kapupulutan ito ng aral lalo na ng mga anak na lumaki sa pangangalaga ng kanilang yaya dahil abala ang mga magulang sa trabaho.
Pero tungkol din ito sa mga ikalawang ina o madrasta na kung minsan ay hindi maintindihan ng mga bata kaya sinusungitan at pinahihirapan sa pag-aakalang gusto nitong palitan ang kanilang ina pero open communication lang naman ang kailangan para magkaintindihan.
Naka-relate kami nang husto sa pelikulang Our Mighty Yaya dahil makatotohanan at sa pagkakaroon ng iba’t ibang kasambahay at yaya ay alam namin na napipilitang mamasukan sa ibang tao dahil sa mga obligasyon nila sa pamilya, lalo na kung hikahos sa buhay at walang ibang mapagkakakitaan.
Ito ang kuwento ni Virgie (Ai Ai) na namasukang yaya sa Maynila para mabayaran ang mga utang nila sa probinsiya at mapag-aral sa kolehiyo ang nag-iisang anak. Labag sa kalooban niya na lisanin ang kanyang mag-ama pero wala siyang magawa.
Hindi naging maganda ang mga unang araw ni Virgie sa mga alagang pasaway at pintasera.
Tiniis iyon ni Virgie sa tindi ng pangangailangan at dahil likas na mabait na tao ay nagustuhan siya ng kapwa niya kasambahay at pinayuhang tiisin ang mga anak ng amo nila (Zoren Legaspi) dahil mabait ito bagamat istrikto at inglisera ang ikalawang asawang si Megan Young.
Lahat ng hirap na naranasan sa mga alaga ay tiniis ni Virgie hanggang sa nahuli niya ang loob dahil narinig niyang nagsasalita ng Tagalog, na ipinagbabawal pala ng kanilang madrasta.
Nakakatuwang nakakaiyak ang kuwento at mga sitwasyon sa Our Mighty Yaya at hindi hard sell, isa ito sa malaking bentahe ng pelikulang idinirehe ni Jose Javier Reyes under Regal Entertainment.
Samantala, tinanong si Ms. A pagkatapos ng screening kung ano ang pakiramdam na muli siyang nanalo ng Best Actress sa ASEAN International Film Festival and Awards (AIFFA) na ginanap sa Kutching City, Malaysia para sa pelikulang Area.
“Siyempre natuwa ako at na-shock ako at the same time kasi parang tapos na sa movie (category), sabi ko, 10 PM na, wala pang nagsasabi kung ako (ang nanalo), akala ko talo ako, ‘yun pala 10:30 (ang announcement).
“Ayaw ko mag-expect kasi siyempre kapag hindi ka nanalo, sasakit ang loob mo, kaya ‘wag ka na lang mag-expect. ‘Yung ma-nominate ka, okay na ‘yun sa akin,” pahayag ng Comedy Queen.
Abut-abot ang pasasalamat ni Ai Ai sa Panginoong Diyos sa lahat ng blessings na natatanggap niya.
“Siguro mayroon akong ginagawang maganda kaya ganu’n, siguro magaan kasama si Gerald (fiancé niya) at saka wala naman akong sinasagasaang tao, positive lang,” sabi ni Ai Ai.
Inamin ng komedyanang naiyak siya habang pinapanood ang pelikula
“Maganda siya at naiyak ako, hindi pinipilit magpatawa, hindi ka rin pinipilit na umiyak. Normal ang nararamdaman mo. Mga yaya ko umiiyak, daughter-in-law ko umiiyak. Makaka-relate ang mga yaya sa movie.”
Natanong kung babalik na ng ABS-CBN si Ai Ai dahil nag-guest siya sa Tonight With Boy Abunda kamakailan.
“Ay, promo ko lang ‘yun ng movie, pinayagan ako ng GMA, wala pang sinasabi (negosasyon), ayoko pang mag-isip, bahala na si Boy (Abunda, manager niya),” pahayag ng Comedy Queen. (REGGEE BONOAN)