Nadakip na ng Manila Police District (MPD) ang isa sa mga suspek sa pagpapasabog sa isang peryahan sa Quiapo, Maynila nitong Abril 28, na ikinasugat ng 13 katao at nataon sa idinaos na 30th Association of South East Asian Nation (ASEAN) Summit sa bansa.
Iniharap sa media si Abel Macaraya, 35, ni MPD Director Chief Supt. Joel Napoleon Coronel sa pulong balitaan sa MPD headquarters kahapon ng tanghali.
Ayon kay Coronel, Mayo 4 nang maaresto si Macaraya sa bahay nito sa P. Casal Street sa Quiapo, at naisailalim na rin sa inquest proceedings sa kasong multiple attempted murder at illegal possession of firearms and explosives.
“We have in custody one of the suspects seen by eyewitnesses and recorded on CCTV,” ani Coronel. “We can see the suspect, Abel Macaraya flee the scene of the crime after the explosion.”
IBA PANG SUSPEK TINUTUGIS
Ikinanta rin ni Macaraya sa pulisya ang iba pang suspek sa pagpapasabog na tinutugis na ngayon ng mga awtoridad. Ito ay sina alyas Saro, na itinuturong gumawa ng improvised bomb,; isang Ali Moro; at si Raymond Mendoza, na isa namang balik-Islam, at aniya’y nag-udyok sa kanila na pagpapasabog ang iganti sa mga biktima.
Sinabi ni Coronel na mayroon na silang hawak na computerized facial composite sketches ng mga suspek.
SUSPEK UMAMIN PERO….
Bagamat inamin ni Macaraya na sangkot siya sa pagpapasabog para ipaghiganti ang kanyang bayaw, o ang nakababatang kapatid ng kanyang asawa, itinanggi naman niyang naroon siya sa lugar nang mangyari ang pagsabog.
Iginiit rin niya na nadamay lamang siya sa plano ng kanyang mga kasamahan, at hindi siya kasama sa pagpaplano sa gagawing pagpapasabog. “Pinipigilan ko po sila (mga kasamahan niya),” aniya.
RESBAK
Ayon sa imbestigasyon, inireklamo ng teenager na bayaw ni Macaraya ng paglabag sa Anti-Child Abuse Law (RA 7610) si Barangay 391 Chairman Arnold Almario dahil sa pananakit umano sa binatilyo ng magkakapatid na Bebot, Tangki at Komang Kahulugan.
“Dahil po dito, base sa aming pagsasaliksik, sa galit ng pamilya, dahil po sa masamang pagtrato na tinanggap ng kanyang (Macaraya) kapatid na kinokondena ng kanilang pamilya, naisipan po nilang maghiganti,” ani Coronel.
Nagtungo umano ang ama (biyenan ni Macaraya) ng binatilto sa barangay hall upang i-follow-up ang reklamo ngunit hindi naman sumipot ang magkakapatid na Kahulugan, sanhi upang hanapin sila ng matanda at pagbantaan.
Nang gabi rin umanong iyon ay isang homemade pipe bomb ang pinasabog sa peryahan.
Dahil dito, muling nanindigan si Coronel na hindi terorismo at walang ebidensiya na konektado ang teroristang grupo ng Islamic State sa insidente, at wala rin umanong kinalaman sa pagdaraos ng ASEAN Summit.
CASE SOLVED BUT NOT CLOSED
Dahil sa pagkakaaresto kay Macaraya at pagtukoy sa iba pang mga suspek, ikinokonsidera na umano ng MPD na naresolba na ang kaso ngunit hindi pa ito sarado.
Sa ngayon, lima na lang sa 13 biktima ang nananatili pa sa pagamutan, ngunit tatlo pa ang kritikal.
MPD ‘DI PINANGHIHINAAN NG LOOB
Samantala, sa kabila naman ng sunud-sunod na pagpapasabog sa Quiapo ay hinarap ni Coronel ang kanyang mga tauhan sa flag ceremony sa MPD headquarters kahapon ng umaga at sinabing ang mga nangyari sa nakalipas na mga araw ay maituturing na pagsubok, pero nanindigan siya na hindi aatrasan ng pulisya ang mga hamon at hindi rin sila pinanghihinaan ng loob.
SIGNAL NG GLOBE AT SMART, BALIK-NORMAL NA
Sa kabilang dako, matapos na suspendihin ng 48 oras ay ibinalik na ng Globe Telecom Inc., at Smart Communications sa normal ang signal ng mobile network sa Quiapo, Maynila.
Sinuspinde ang signal sa kahilingan na rin ng Philippine National Police (PNP) at kautusan ng National Telecommunications Commission (NTC) kasunod ng magkakasunod na pagsabog sa Quiapo. (MARY ANN SANTIAGO)