NANGAKO si Pangulong Duterte kamakailan, sa talumpati niya sa Davao City sa harap ng mga empleyado ng National Orthopedic Hospital, na pauunlarin niya ang ekonomiya ng bansa na magbibigay ng maraming trabaho at magpapaganda sa buhay ng mahihirap sa loob ng tatlong taon.

Pero, mag-iisang taon na siyang nanunungkulan, eh, hindi pa madama ang pagbabagong ipinangako niya noong siya ay nangangampanya para sa panguluhan. Gumagalaw pa rin siya sa loob ng sistemang ginalawan ng mga nauna sa kanya. Kaya tingnan ninyo ang mga ipinaiiral ng gobyerno, job fair, cash fund transfer, at pautang sa may maliliit na negosyo upang huwag na raw umasa sa mga nagpapautang sa kanila na napakalaki ng interes. Pati ang SSS ay nagpapautang na rin, lalo na sa biktima ng kalamidad.

Hindi sa ganitong mga paraan magigiba ang kahirapan at mabibigyan ng disenteng trabaho at pabahay ang mamamayan.

“Dekorasyon lang ang mga ito at panggulo,” sabi ni Kadamay President Gloria Arellano.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Kasi naman, iilan lang ang mabibigyan ng trabaho ng job fair. Karamihan ay trabaho sa ibang mga bansa. Kapag bumagsak ang ekonomiya ng mga ito, o kaya nagkagulo rito, labag man sa kalooban ng ating manggagawa, babalik at babalik sila para lang makadagdag sa mga walang trabaho sa ating bansa.

Ganito rin ang magiging bunga ng mga proyektong pagpapautang ng gobyerno. Iilan lang din silang matutulungan sa paraang ito. Iba pang usapan kung ito ay ikagaganda ng buhay ng lahat ng mapalad na nakautang.

Kaya, nananatiling kahirapan ang pangunahing problema ng bansa na, ayon sa Social Weather Stations, ay 50% ng mga Pilipino ang nagsasabing sila ay mahirap.

Ang tanging makinarya na magpapaunlad sa bansa at magbibigay ng maramihang trabaho at disenteng pamumuhay ng mga Pilipino ay ang kumbinasyon ng tunay na reporma sa lupa at industriyalisasyon. Hindi free trade at privatization.

Ang pagpasok sa ating bansa ng mga banyagang produktong ginagawa at inaani na rito at pagpapasakamay sa pribadong sektor ng mga instrumento ng gobyerno na nagbibigay ng pangunahing serbisyo ang sumisira ng ating ekonomiya at nagpapalaganap ng kahirapan. (Ric Valmonte)