GUANGZHOU, China – Ibinida ng FIBA (International Basketball Federation) ang bagong disenyo ng tropeo na ipagkakalob sa Basketball World Cup sa isinagawang Official Draw Ceremony para sa qualifiers sa World Cup 2019 sa China.
Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng FIBA, natatangi ang tropeo na gawa sa ginto at nakalimbag ang mga koponan na naging world champion. Nakadisesnyo rin ang gintong bola kung saan nakalimbag ang Federation Internationale de Basketball Amateur, ang orihinal na kahulugan ng FIBA.
“These characteristics give it a heightened sense of tradition and prestige,” ayon sa FIBA.
Ang bagong disenyo ng tropeo ay naaayon sa pagbabagong isinulong ng FIBA Basketball World Cup na sa taong 2019 ay magtatampok ng record 32 team na maglalaban-laban sa loob ng dalawang taong qualification.
May taas itong 60 centimeter, may 13 centimeter na mas mataas sa lumang disenyo. Nagkataon, inilunsad ito sa pamosong Canton Tower sa Guangzhou, ipinapalagay na isa sa pinakataas at pinakamagandang gusali sa buong mundo.
Dinisenyo ito ng Radiant at ginawa ni silversmith Thomas Lyte.