MAGKAKALOOB ang Japan ng $40 million sa Asian Development Bank upang isulong ang mataas na antas ng teknolohiya bilang bahagi ng pagpupursige upang mapabuti ang kalidad ng imprastruktura sa Asia.

Ito ang inihayag ni Japanese Finance Minister Taro Aso nitong Sabado.

“Japan has been promoting quality infrastructure in Asia in close collaboration with the bank,” sinabi ni Aso sa taunang pagtitipon ng Asian Development Bank sa Yokohama.

“Enhancing quality of infrastructure in terms of lifecycle cost and environmental and social considerations is important,” dagdag niya.

Ipagkakaloob ang nabanggit na halaga sa loob ng dalawang taon para sa bagong bukas na pondo ng Asian Development Bank, ayon kay Aso.

Ito ang inihayag ni Aso sa patuloy na pagpapaigting ng China ng presensiya nito sa ginagastusang imprastruktura na ikinaalarma ng ilang opisyal ng pamahalaan ng Japan, na nababahalang madaig ng Asian Infrastructure Investment Bank na pinamumunuan ng Beijing ang Asian Development Bank na pinangangasiwaan naman ng Japan at Amerika.

Itinuturing ng ilan ang Asian Infrastructure Investment Bank na isang matinding karibal ng World Bank ng Kanluran at ng Asian Development Bank, na pinopondohan ng Amerika at Japan.

Upang mabigyang-diin ang kaibahan, pinalawak ng Asian Development Bank ang mga aktibidad nito ng higit pa sa imprastruktura, gaya ng pagpopondo sa mga programa upang maibsan ang kahirapan, at kampanyang pangkalusugan at edukasyon.

Sinabi ni ADB President Takehiko Nakao sa taunang pagtitipon na mananatiling prioridad ang pamumuhunan sa imprastruktura.

“Asia will need $1.7 trillion per year in investments in power, transport, telecommunications and water through 2030,” sinabi ni Nakao.

Kamakailan, sinabi ni Nakao na makikipagtulungan ang Asian Development Bank sa mga plano ng China sa pangkaunlarang pinansiyal at imprastruktura sa ilalim ng inisyatibo nitong “One Belt, One Road”, ipinagkibit-balikat ang posibilidad na may kumpetisyon sa pagitan ng Japan at China para sa impluwensiya sa pangangasiwa ng paggastos. Reuters