NASA London na ngayon ang former Pinoy Pop Superstar grand champion na si Gerald Santos pagkaraang matanggap ang kanyang Overseas Employment Certificate (OEA) mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Naghihigpit ngayon ang POEA sa pag-isyu ng OEA sa mga direct hired OFW (may kaugnay na balita sa pahina ring ito) at muntik nang hindi matuloy ang pag-alis ni Gerald dahil dito.
Nagawan naman ito ng paraan kaya nakalipad na ang singer para sa unang araw ng full company rehearsals ng Miss Saigon sa May 15 na nagkataong birthday niya.
“Parang in place lahat,” saad ng 25-year old singer. “It was December 16, 2016 nu’ng kausapin ako nu’ng director ng tour na si John-Pierre (Van Der Spuy). Pagdating ng December 23, I was offered the role. ‘Tapos ang first company rehearsals namin falls on my birthday. Sumakto talaga lahat.”
Gagampanan ni Gerald ang coveted role na Thuy (currently being played by Fil-Am actor Devin Ilaw sa Broadway revival) at magsisimula ito sa Lescester Curve sa July 3.
“Naiyak ako nu’ng dumating na ‘yung ticket ko. Kasi parang nag-sync-in na sa akin na aalis na talaga ako,” lahad ng binata.
Mahigit isang dekada na rin si Gerald sa showbiz since his stint sa Pinoy Pop Superstar at biggest break niya itong Miss Saigon.
“Sobrang kinakabahan at natatakot ako pero higit du’n, mas masaya at excited ako. Sa ngayon, medyo may malaking pagbabagong mangyayari sa career ko. May konting kalungkutan pero mas lamang ang excitement,” aniya.
Matindi raw ang separation anxiety ni Gerald pero iniisip na lang niya, trabaho ito at kailangang paghusayan niya as he’s scheduled to perform eight times a week. Pero inihanda na rin daw niya ang kanyang sarili sa magiging buhay niya sa UK.
“Nalulungkot ako kasi maiiwan ko ‘yung mga mahal ko sa buhay, ‘yung mga nagmamahal sa akin at sumusuporta. But I would say, dito nakataya ang future ko as a performer,” pagtatapos ni Gerald. (Lito Mañago)