SINONG mag-aakalang bagay din palang love team sina Julia Montes at JC Santos na napapanood sa Wansapanataym: Annika Pintasera tuwing Linggo ng gabi.
Wala naman kasing permanent love team si JC simula nu’ng mapanood siya sa Till I Met You bilang ka-love triangle nina James Reid at Nadine Lustre kaya kahit sino ay puwedeng i-partner sa kanya.
Gayundin si Julia, na pawang mataas ang ratings ng pakikipagtambal kina Enrique Gil, Enchong Dee, Sam Milby at Coco Martin pero wala na uling ka-love team ngayon kaya puwede rin siyang itambal sa iba.
Unlike sa ibang young actresses, mas bongga ang career ni Julia na walang permanenteng ka-love team, puwede niyang makatrabaho ang lahat ng aktor.
Bukod sa maganda ang kuwento ng Annika Pintasera ay malakas din ang dating nina JC at Julia kaya na-extend ang episode nila sa Wansapanataym na dalawang dekada nang umeere sa telebisyon dahil laging may bagong generation ng mga bata na laging nag-aabang sa maraming aral na napupulot sa show.
Kuwento ng isa sa mga member ng think-tank at business unit head ng Dreamscape Entertainment na si Rondel Lindayag, “Kapag pumupunta kami sa award ceremonies, maraming estudyanteng lumalapit sa akin at nagbabahagi ng mga alaala nila tungkol sa Wansa. Napansin ko na laging mayroong isang episode na nagmarka at hindi nila malimutan.”
Dagdag pa ni Rondel, “Sumasabay kami sa pagbabago ng teknolohiya, pero pareho pa rin ang kuwento at kung paano ang pagkukuwento namin. Iyon pa rin ang mga aral na ibinabahagi ng Wansa, pero sumasabay lang sa uso. Ngayon hit ang love teams dahil siguro naiintindihan ng manonood iyong higpit ng magulang, pati na rin ang pakiramdam ng unang pag-ibig.”
Lumakas nang husto at naging unbeatable ang love team nina Judy Ann Santos at Rico Yan na unang nai-feature sa Wansapanatym noong 1997 (Mahiwagang Palasyo, na ang kuwento ay tungkol sa dalawang taong magkaiba ang antas sa buhay pero hindi ito naging handlang sa kanilang pagmamahalan).
Ang iba pang episodes na hindi makalimutan ng manonood ay ang Kapirasong Langit na nagbigay-aral tungkol sa pag-ibig at pagtanggap ng kamalian; Bessy Basura na tumalakay sa tamang pagtatapon ng basura, at Mahiwagang Paru-Paro na nagpakita naman ng wagas na pagmamahal ng magulang para sa anak.
Patuloy ang paghahatid ng makabuluhang mga kuwento ng Wansapanataym kaya hindi ito natitinag sa ratings game at umabot na sa dalawang dekada.
Ngayong gabi, mapapanood ang unti-unti nang nauubos ang oras ni Annika upang makatakas sa sumpa. Ngunit susubukan pa rin niyang lumaban dahil makakahanap siya ng lalaking malinis ang puso na makakapagpalaya sa kanya mula sa loob ng mahiwagang painting.
Inaabangan ng viewers kung paano makakalaya si Annika mula sa painting. Ano naman kaya ang mararamdaman ni Jerome (JC) sa bagong lalaking makikilala ni Annika? (Reggee Bonoan)