BAGONG-buhay na ang isang dating lulong sa droga bilang isang pedicab driver habang aktibong nangangalaga sa kalikasan bilang “environmentalist”.

Sumumpa ang 45-anyos na si Alejo Galang na hindi na niya kailanman babalikan ang paggamit ng ilegal na droga, sa kanyang pagsali sa may 100 iba pang drug surrenderer na naglinis sa dalampasigan ng Barangay Marinig sa Laguna de Bay.

Sa isang panayam, sinabi ni Galang na sumuko siya sa mga pulis, makaraang amining lulong siya sa droga, alinsunod sa kampanyang Oplan Tokhang ng mga opisyal ng Bgy. Marinig.

Matapos manumpang magbabago na, kasama ang iba pang sumuko sa himpilan ng Cabuyao Police, dalawang bagay ang ipinangako niya sa sarili: ang tuluyang pagtalikod sa paggamit ng ilegal na droga at ang paghahanap ng disenteng mapagkakakitaan gaano man kaliit ang kanyang kikitain.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Namasada ng pedicab si Galang sa kanilang lugar at binigyang-diin kung gaano kahalaga para sa kanya ang kumita sa pamamasada sa Cabuyao City, ang tinaguriang “Enterprise City” ng Laguna.

“Pumapadyak ako para kumita kahit kaunti, nakakapag-ehersiyo pa ako araw-araw,” kuwento ni Galang.

Noong nakaraang linggo, ipinaalam sa kanya ng organizing unit ng Cabuyao Police ang tungkol sa tuluy-tuloy na paglilinis sa pampang ng Laguna Lake.

Kaagad namang nagpatala si Galang para makiisa sa kampanyang pangkalikasan ng pulisya na “Nalulong Noon, Makakalikasan Ngayon”, na isinusulong ni Laguna Police Provincial Office director Senior Supt. Cecilio Ramos Ison, Jr.

“Sasali ako sa kahit anong gawain na makatutulong upang maprotektahan ang kalikasan sa pamamagitan ng paglilinis,” pangako ni Galang.

Naniniwala si Galang na kailangang pangalagaan ang Laguna Lake. At gaya ng iba, naniniwala rin siyang kailangang sumailalim ito sa rehabilitasyon upang maibalik ang dating ganda.

Nagawa ng mga pulis-Cabuyao at ng City Environment and Natural Resources (CENRO) na makakolekta ng nasa 75 sako ng sari-saring basura mula sa lawa at sa dalampasigan nito.

Nauunawaan na ngayon ng pedicab driver na si Galang ang mga bagay sa buhay na dapat na pinahahalagahan at determinado siya ngayon na tumulong para sa rehabilitasyong higit pa sa kanyang sarili bilang isang dating lulong sa droga: ang protektahan at pangalagaan ang kalikasan at ang mga buhay na nakasalalay dito. (PNA)