Abu Saad Kiram copy

CEBU CITY – Ilang oras lang ang nakalipas matapos arestuhin sa Tubigon, Bohol, napatay ng mga pulis si Abu Saad Kiram nang tinangka umano nitong tumakas habang ibinibiyahe para ilipat sa Bohol Provincial Jail kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Police Regional Office (PRO)-7 director Chief Supt. Noli Taliño, ineeskortan ng mga pulis si Saad mula sa Bohol Police Provincial Office patungong Bohol Provincial Jail sa Tagbilaran bandang 2:00 ng umaga nang tinangka umano nitong tumakas.

Bagamat hindi pa malinaw ang mga detalye, sinabi ni Taliño na napatay si Saad sa pagtugis tatlong oras makaraan umano itong magtangkang tumakas.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang tuluyang pagkalas ng Pilipinas sa ICC noong Marso 17, 2019

Nagtamo si Saad ng mga tama ng bala sa ulo at sa katawan.

Dakong 7:00 ng umaga nitong Huwebes nang maaresto si Saad habang nakikikain ng almusal sa isang residente sa Barangay Tan-awan, Tubigon.

Kaugnay nito, kaagad na sinabi ng Commission on Human Rights (CHR)-Region 7 na nakabase sa Cebu na iimbestigahan nito kung paanong nakatakas at napatay si Saad gayong alertong nakabantay sa kanya ang mga pulis at militar.

Sinabi ni CHR-7 Director Arvin Odron na nakagugulat ang pagkamatay ni Abu Saad kaya naman kaagad niyang ipinag-utos ang imbestigasyon sa insidente, iginiit na kailangan ding magsagawa ng awtopsiya.

Ayon kay Odron, ipagbibigay-alam din niya ang insidente kay CHR Chairman Jose Luis Martin Gascon.

Nagpahayag naman si Taliño ng kahandaang humarap sa imbestigasyon ng CHR, bagamat iginiit niyang lehitimo ang operasyon.

23 SUMUKO SA BASILAN

Samantala, nasa 23 miyembro ng Abu Sayyaf naman ang sumuko sa pulisya at militar sa Basilan nitong Huwebes, ayon kay Basilan Police Provincial Office director Senior Supt. Nickson Muksan, sa pakikipagtulungan ng Joint Task Force Basilan (JTF-Basilan), ng Basilan Police Provincial Office, at ng pamahalaang bayan ni Sumisip Mayor Gulam Hataman.

Sinabi ni Muksan na inabot ng dalawang buwan ang negosasyon upang mapasuko nang mapayapa ang mga bandido sa tulong ng mga kaanak ng mga ito sa lalawigan.

Aniya, nasa 19 miyembro ng Abu Sayyaf ang sumuko nitong Huwebes kay Col. Juvymax Uy ng JTF-Basilan, kabilang ang mga sub-leader na sina Nur Hassan Lahaman at Mudz-Ar Angkun, sa Bgy. Tumahubong, Sumisip.

Nagsuko rin ng siyam na matataas na kalibre ng baril ang grupo nina Lahaman at Angkun sa militar, kabilang ang isang .50 caliber sniper rifle, isang M16 rifle, isang M79 40mm grenade launcher, limang garand rifle, at isang .30 caliber Springfield rifle.

Kasabay nito, iniulat ni Western Mindanao Command Spokesman Army Capt. Jo-Ann Petinglay ang pagsuko nitong Huwebes ng umaga ng apat na miyembro ng Abu Sayyaf na sina Patta Salapuddin, 53; Asbi Salapuddin, 32; Sayyadi Salapuddin, 31; at Arci Salapuddin, 20, pawang taga-Bgy. Basakan, Hadji Mohammad Ajul, Basilan, bitbit ang kani-kanilang baril.

Isang linggo na ang nakalipas nang sumuko ang apat na bandido sa Joint Task Force Sulu, at kinilalang sina Udon Hussiem Hasim, 40, sub-leader; Haidal Kimar, 25, kapwa taga-Bgy. Jinggan, Panglima Estino; Husain Nasirin, 22, ng Bgy. Buhanginan, Patikul; at Hasir Asara, 24, ng Bgy. Danag, Patikul, Sulu.

(MARS W. MOSQUEDA, JR. at NONOY E. LACSON)