Matapos tawagan at imbitahan sa White House ni US President Donald Trump nitong Sabado, nakatanggap si Pangulong Rodrigo Duterte ng isa pang tawag sa telepono kaugnay sa mga nangyayari sa Korean Peninsula, sa pagkakataong ito ay mula naman kay Chinese President Xi Jinping.

Ayon sa China Xinhua News, sa Twitter account nito, bukod sa isyu ng lumalalang tensiyon sa pagitan ng North Korea at ng US, pinag-usapan din nina Duterte at Xi ang pagpapalakas sa relasyon ng dalawang bansa.

Tumawag si Xi kay Duterte dakong 4 p.m. habang nasa Davao City ang huli.

Sinabi ng Malacañang kahapon na ang pagtawag nina Trump at Xi ay nagpapakita na kinikilala nila ang mahalagang papel ni Duterte sa rehiyon.

National

Ilang bahagi ng bansa, uulanin dahil sa shear line, easterlies

Sa press briefing sa Malacañang Palace, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na ipinakikita ng mga tawag na kinikilala ng dalawang ang liderato ni Duterte.

“Definitely it goes to show that the President is being recognized for his leadership in the area and I think the locals should also show better appreciation to their own President,” sabi ni Abella, na ang tinutukoy ay ang papel ni Duterte bilang kasalukuyang chairman ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

“It indicates statesmanship--that he is actually a key player in maintaining peace in the region,” dagdag niya.

Ayon kay Abella, inabot ng halos 26 na minuto ang pag-uusap nina Duterte at Xi.

“They exchanged views about regional development and the President also shared the Philippines’ position on several issues including the developments in the Korean Peninsula,” aniya.

Nauna nang nagpahayag si Duterte na ang tanging makagagawa ng paraan para makapag-usap ang North Korea at ang US ay ang China.

“He referred also to China’s important role in promoting peace in the Peninsula,” ani Abella.

Bilang chairman ng ASEAN, nagpahayag si Dutetre ng pagkabahala sa sitwayon sa Korean Peninsula. Sinabi niya na ang unang maaapektuhan sakaling magka-giyera ay ang mga bansa sa ASEAN, partikular na ang Pilipinas.

“I’m just worried as you really. We’re on the edge. Everybody is worried,” sabi ni Duterte sa press conference matapos ang 30th ASEAN Summit noong weekend.

“If one miscalculation of a missile, whether or not a nuclear warhead or just an ordinary dumb bomb, one explosion there that would hit somebody would cause a catastrophe,” dagdag niya.

“It would really mean the first victim would be Asia and southeast, the whole of the ASEAN countries and the rest because those are really nuclear warheads that means the end of the world,” sabi pa niya. (ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS)