Tinuligsa kahapon ni Senator Risa Hontiveros ang sexist remarks ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III laban sa solo mothers.

“There’s nothing shameful in being a solo mother. (I) am a proud solo mom myself. And it’s certainly no joke,” sabi ni Hontiveros nang hingan ng komento tungkol sa isyu.

Kinuyog ng pagpuna si Sotto nang usisain niya ang personal na buhay ni Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA) sa nominasyon ng kalihim nitong Miyerkules.

Tinanong ng senador si Taguiwalo kung bakit mayroon siyang dalawang anak na babae gayong siya ay single. Ayon kay Sotto, na host din ng noontime show na “Eat Bulaga!”, ang babaeng katulad niya ay tinatawag na “naano lang” na nagbunsod ng nag-aalangang tawanan mula sa audience at matinding pagtuligsa ng netizens.

National

Atty. Medialdea kay Sen. Robin: 'You were there when I needed it most!'

Bagamat ‘tila hindi ininda ang narinig, sumagot si Taguiwalo ng: “I teach women’s studies in UP so we respect all kinds of families and that includes solo parents. Thank you.”

Ayon kay Hontiveros, na kilalang women’s rights advocate, nasaktan siya sa mga sinabi ng kanyang kapwa mambabatas.

“I am offended. The remarks should be taken seriously because we solo mothers take our parenting and our work outside the home very seriously,” aniya.

Kaagad namang humingi ng tawad si Sotto sa kanyang sinabi, iginiit na hindi lamang na-gets ang kanyang biro.

Ayon kay Sotto, siya ang huling taong mawawalan ng respeto sa babae dahil ang kanyang ina ay isa sa mga nagtatag ng women’s rights movement at Kababaihang Rizalista.

“I have two daughters who are single parents. Besides, in the CA, anything can be asked under the sun,” anang senador.

Pero patuloy pa rin ang pagkuyog ng mga tumutuligsa kay Sotto, kahit pa mula sa mga kasamahan niya sa entertainment industry.

Sinisisi naman ni Sotto ang “trolls” na nagpalaki raw sa isyu, pero hindi ito kinagat ni Hontiveros.

“His apology was mixed, that we didn’t ‘get the joke.’ But being a solo mom is no joke at all. We take our child rearing and our work outside the home very seriously. Rectification means making a full apology without passing the responsibility onto the listeners & reforming our attitudes, or at least not repeating the offensive behavior,” ani Hontiveros.

Kabilang sina Lea Salonga at Pokwang sa mga bumatikos kay Sotto.

(May kaugnay na balita sa pahina 8.) (Hannah L. Torregoza at Leonel M. Abasola)