040517_Police Operation_10_Jun Arañas copy

Sabay-sabay pinosasan ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) ang limang katao, isa sa kanila ay kapipiyansa lamang sa kasong illegal gambling, sa buy-bust operation at nakuhanan ng P400,000 halaga ng shabu sa Taguig City, nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay SPD Director, Chief Supt. Tomas Apolinario, nagkasa ng operasyon ang mga tauhan ng SPD-Drug Enforcement Unit (SPD-DEU), sa pamumuno ni Chief Inspector Jerry Amindalan, na ikinaaresto nina Evelyn Nazario,47 at Lagen Tan, 24, kapwa umano tulak ng droga.

Sinabi ni Apolinario na bago ang buy-bust operation, nakipagtransaksiyon ang mga miyembro ng SPD-DEU kina Nazario at Tan at nagkasundong bentahan ang poseur-buyer ng isang gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P5,000.

Human-Interest

Asong malungkot din sa pagkamatay ng fur dad, dumurog sa puso ng netizens

Nang iabot ng mga suspek ang shabu sa poseur-buyer, agad pinasok ng SPD-DEU members ang bahay ng mga suspek na matatagpuan sa Barangay Ususan, Taguig City at namataan ang tatlo pang katao na bumabatak ng shabu.

Kinilala ni Apolinario ang tatlo na sina Tony Rey Alfonso, Roxan Tiglao at Rodel Samoy.

Nakumpiska rin, ayon kay Apolinarion, mula kina Nazario at Tan ang isang balck box na naglalaman ng limang pakete ng shabu habang si Samoy na kararating lamang sa bahay ng mga suspek at sumali sa shabu session ay nakuhanan ng 70 gramo ng shabu.

Idinagdag ng hepe na nasa kabuuang 80 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P400,000, ang nakuha ng SPD-DEU operatives at P5,000 buy-bust money.

Nakatakdang kasuhan ang mga inarestong suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

(JEAN FERNANDO at BELLA GAMOTEA)