Ipinagmalaki kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagkakapasa sa 2016 Bar Examination ng limang operatiba nito.
Bukod pa rito ang tatlong tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) na pawang mga lisensiyadong abogado na rin.
“We are proud!” sabi ni NCRPO Regional Director Oscar Albayalde.
Kabilang sa 2016 Bar passers mula sa NCRPO sina PO3 David C. Corpuz; PO3 Aimee Sissay Cusain, na nakatalaga sa Quezon City Police District; PO3 Che Mayo Morales Guevara, ng Eastern Police District; habang nagmula naman sa Southern Police District sina PO2 Bien Pol Panahon, na nakatalaga sa Parañaque City Police; at PO2 Benito Alba, Jr., ng Pateros Police.
Gagawaran ni Albayalde ng mga medalya ang limang pulis na ngayon ay pawang abogado na, at ikinokonsidera rin ang reassignment ng mga ito.
Samantala, pasado rin sa Bar Exams sina PG3 Melencio Faustino, PG2 Fredrick Anthony Santos, at PG1 Daisy Castillote, ayon kay BuCor Director General Benjamin de los Santos.
Si Faustino ang acting executive assistant ni De los Santos, si Santos ay imbestigador sa New Bilibid Prison, at si Castillote ay nakatalaga sa Leyte Regional Prison.
“I was told that this is the first time that correctional officers passed the Bar and it happened during my term,” sinabi ni De los Santos at idinagdag na ipo-promote niya ang tatlo. (Bella Gamotea at Jonathan Hicap)