MODERNO na ang pagsasaka sa bansa sa paglulunsad ng mga state-of-the art technology sa agrikultura na nagkakaloob ng aktuwal na mga impormasyon tungkol sa pananim at ng kapaki-pakinabang na mga alternatibo para sa mga magsasaka sa harap ng kawalan ng katiyakan sa klima.
Ginawa itong posible ng grupo ng mga eksperto mula sa University of the Philippines Los Baños, at pinondohan ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD), sa pamamagitan ng “Project SARAI.”
Ang Project SARAI, or Smarter Approaches to Reinvigorate Agriculture as an Industry in the Philippines, ay kinumpleto sa nakalipas na tatlong taon ng mga eksperto at siyentista, sa pakikipagtulungan ng ilang state universities and colleges (SUVs), mga lokal na pamahalaan, at mga pribadong katuwang.
Dahil sa pagtutulungang siyentipiko, nabuo ang pambansang crop forecasting at monitoring system para sa unang anim na prioridad na tanim: palay, mais, saging, niyog, kape at cacao.
Ang Project SARAI ay may limang grupo na hinati sa technical center na kinabibilangan ng model development at crop forecasting, gayundin ng pagtukoy sa lagay ng kapaligiran at paglikha ng integrated crop management (ICM).
Ang pulong para sa pagtatapos ng Project SARAI at ang paglulunsad ng pambansang programa para sa Integrated Crop Monitoring and Forecasting System (ICMF) ay idinaos nitong Biyernes sa NCAS Auditorium sa UP Los Baños.
Sinabi ni Dr. Felino P. Lansigan, dean ng UPLB College of Arts and Sciences at SARAI Project 1 Leader, na ang proyekto na gumamit ng pinakabagong teknolohiyang siyentipiko ay maaaring maghatid ng regular na impormasyon tungkol sa klima, lagay ng panahon, pangangasiwa sa patubig, akmang petsa para magtanim, at pangangasiwang kultural na kailangang maipatupad kung pagbabatayan ang lagay ng klima sa susunod na tatlo hanggang limang buwan.
“Hopefully…our agricultural sectors will be reinvigorated and we will then realize improvement in our yield and also our production system in the whole country particularly the six commodities: rice, corn, banana, coconut, coffee and cacao,” sabi ni Dr. Lansigan.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Dr. Artemio M. Salazar, SARI Project 2 Leader, na sa pamamagitan ng Geographic Information System, Remote Sensing, at Normalized Difference Vegetarian Index ay mapag-iibayo pa ang SARAI upang maging SARAI-Enhanced Agricultural Monitoring System (SEAMS).
Mula sa model development at crop forecasting ng Team 1, magkakaloob ang SEAMS ng higit na mahusay at aktuwal na monitoring sa mga lugar ng taniman, ayon kay Dr. Salazar.
Dagdag niya, maihahatid ng SEAMS ang mga tumpak na impormasyon sa mga nakalipas na epidemya sa mga taniman, mga pamemeste, gayundin ang tamang patubig sa bawat tanim at ang sustansiyang kinakailangan ng mga ito.
“It is only now that I learn of such things, that because of technologies, we can plan our logistics from planting to harvesting,” masayang sabi ni Dr. Salazar. - PNA