MALIBAN sa paghihigpit ng seguridad sa mga lugar na pagdarausan ng ASEAN Summit, ang iba pang mga tagubilin na inilalatag ng gobyerno ay nakaangkla sa kaluwagan ng mga mamamayan at ng mga delegado sa naturang pagpupulong.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-utos na walang dapat isarang mga kalye upang ang sino man ay malayang makapaglakbay sa mga lugar na nais nilang patunguhan; saksihan ang mga tanawin na ibig nilang makita.

Marapat lamang na todo-higpit sa paligid ng Philippine International Convention Center (PICC), ang sentro ng ASEAN Summit. Kailangang tiyakin ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng iba pang ahensiyang panseguridad na ligtas ang lahat—lalo na ang mga Presidente, Prime Minister ng iba’t ibang bansa – laban sa mga kriminal. Hindi dapat maging kampante ang mga alagad ng batas sapagkat ang masasamang elemento ng sambayanan ay walang inaatupag kundi ipamukha sa sino man na ang Pilipinas ang pinakamapanganib na lugar sa buong daigdig.

Ang Abu Sayyaf Group (ASG), halimbawa, ay hindi tumitigil sa panliligalig; katunayan, tinangka nilang guluhin ang panimulang pagpupulong ng ASEAN Summit sa lalawigan ng Bohol kamakailan. Naganap ang madugong engkuwentro ng mga rebelde at ng ating mga kawal. Humantong ito sa pagkakaaresto kay Col. Maria Christina Nobleza na sinasabing tumutulong at kasabwat ng ASG.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kaakibat ng paghihigpit sa seguridad sa nabanggit na pagpupulong ng mga lider ng ASEAN, may mga pahiwatig na dapat maging transparent o lantad ang pamahalaan sa mga bagay na dapat malaman at masaksihan ng sino man.

Hindi dapat ikubli, halimbawa, ang mukha ng karalitaan na inilalarawan ng mga yagit sa lansangan. Hindi ba may mga pagkakataon na ang naturang grupo ng mga dukha ay nakagawiang itago ng nakaraang mga administrasyon sa maluluhong resort sa mga lalawigan? Itinatago sila sa pansin ng mga dayuhan, lalo na kung may matataas na lider na bumibisita sa ating bansa.

Walang dahilan upang ikubli natin sa mga dayuhan ang mga barung-barong ng ating mga kababayang maralita. Ang ganitong mukha ng karukhaan ay nasasaksihan din sa mga bansang kasapi sa ASEAN. Ang ating kalagayan ay hindi nalalayo sa Vietnam, Thailand, Malaysia at maging sa Cambodia at Myanmar.

Sa kabila ng ganitong sitwasyon, nakauungos pa rin tayo sa ating mga kapit-bansa sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran. Wala tayong dapat ikubli. Manapa, dapat nating ilantad ang lahat ng bagay na nais nilang malaman hindi lamang tuwing may ASEAN Summit. (Celo Lagmay)