NAPANOOD sa bagong lunsad na programang teleradyo ng DZBB ang public apology ni Mike Enriquez at ng mga kasamahang host ng programa na sina Arnold Clavio at Ali Sotto para kina Ellen Adarna, Paolo Duterte at Pangulong Rody Duterte.
Ito ay hinggil sa inilabas nilang blind item na sinasabing may isang sexy star na hibang na hibang sa isang sikat na opisyal na isa sa miyembro ng LGBT.
Siyempre, hindi man direktang binanggit ang mga pangalan nina Paolo at Ellen ay may tumawag yata na isang mataas na opisyal kaya humingi agad ng paumanhin sina Mike, Arnold at Ali.
Kilalang matatapang at mga beterano na sa pagkokomentaryo sa radio at telebisyon ang tatlo kaya nagtataka ang kanilang listeners na bigla silang kumambiyo.
Ano raw kaya ang nangyari?
Samantala, kung ang ABS-CBN ay naghihintay pa rin, aprubado na ni Pangulong Duterte ang renewal ng franchise ng GMA Network for 25 years. (Jimi Escala)