Mayroon na lamang limang araw para makapagparehistro sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, ipinaalala ng Commission on Elections (Comelec) kahapon.

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, hanggang sa Sabado (Abril 29) na lamang ang voter’s registration kaya’t dapat na itong samantalahin ng mga botante.

Inaasahan na ng Comelec ang pagdagsa ng mga botanteng nais magparehistro sa mga election office upang makahabol sa huling limang araw ng pagpapatala.

Mula Nobyembre 7, 2016 hanggang Marso 25, 2017, ay nakatanggap ang Comelec ng 2,174,601 application for registration.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

Sa bilang na ito, 1,558,892 ang regular registrant, at 615,709 ang SK registrant. Ang Region 3 ang nakatanggap ng pinakamaraming SK application na umabot sa 80,696.

Sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na sa ngayon ay wala pa silang planong palawigin ang registration period na magtatapos 120 araw bago ang halalan sa Barangay at SK sa Oktubre 23.

Ang mga magpaparehistro ay dapat magtungo sa mga tanggapan ng election officer sa kanilang lugar, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon. (MARY ANN SANTIAGO)