PAGKATAPOS ng Q and A ng presscon ng Luck at First Sight ay pinagkaguluhan ang isa sa producers ng pelikula na si Neil Arce, ex-boyfriend ni Bela Padilla at ngayon ay nali-link kay Angel Locsin dahil may nakakita sa kanila na magkasama sa Hong Kong nitong nagdaang Semana Santa.
Nang marinig ang pangalan ni Angel ay kaagad nang tumalikod si Neil, pero talagang sinundan-sundan namin siya kahit saan siya magpunta. Lumapit siya kay Manay Ethel Ramos at nagbigay respeto at nakipagkuwentuhan, pero hindi pa rin kami tumigil.
Napagtanto marahil ni Neil na hindi namin siya tatantanan dahil nga kami mismo ang nagbalita na magkasama sila base sa kaibigan naming nakakita sa Hong Kong.
Hinawakan kami sa braso ni Neil at sabay sabing, “Next time na lang, focus muna tayo rito sa Luck at First Sight, pasensiya ka na. Promise, next time,” pakiusap ng binata kaya ngumiti na rin kami sa kanya.
Base sa obserbasyon namin kay Neil at sa kuwento na rin ng kaibigan naming nakakita sa kanila ni Angel sa Hong Kong, nasa exclusively dating stage na sila ni Angel o may mutual feelings sa isa’t isa. Hindi pa lang namin maintindihan kung bakit hindi pa sila umaaming ‘sila na’.
Or dahil bilang producer ng pelikula nina Bela at Echo, hindi magandang tingnan kung sasabayan ni Neil ng pag-amin na girlfriend na niya si Angel?
Siguro sa mga susunod na presscon o pagkikita namin ni Neil, nakahanda na siyang magsalita, base na rin sa pangako niya.
Samantala, bilang isa sa producers ng Luck at First Sight, magkasama sila ni Bela na bumuo ng istorya nito.
Inamin ni Neil na maganda ang working relationship nila ng ex-girlfriend dahil napanatili nila ang pagiging magkaibigan, at sa katunayan ay may isa pang pelikula na sila rin ni Bela ang bumuo pero hindi na kasama ang aktres sa cast.
“Actually, magga-grind na ako sa Thursday. Pero puwedeng dito muna tayo sa Luck at First Sight mag-focus, pero ang director ko sa next is Direk Joyce (Bernal), ‘yung cast saka na lang, sa next presscon na,” muling pakiusap ng binata.
Samantala, itinanggi ni Neil na hindi kumikita ang mga pelikulang prinodyus ng N2 Productions na kasama si Boy 2 Quizon.
“’Yung 10,000 hours, nakuha naman namin kung ano’ng gusto namin (kita), sa Camp Sawi, it’s a big hit. Actually, mako-compare ko sa parang panganganak. Parang anak mo lahat ‘yung movie, medyo hirap ka lahat sa paggawa, ‘pag nandiyan na, sobrang sarap ng feeling, ang dami mong nabigyan ng trabaho, ang dami mong napasaya, ang dami mong natulungan, kung baga, in the smallest way at saka as much as possible kapag lumalabas ang tao (sa sinehan), masaya, okay kami ro’n, eh.”
May mga nagsabi na puwedeng mag-artista si Neil dahil hindi naman nalalayo ang itsura niya sa sikat na artista ngayon, kaya puwede ring leading man.
“Wala naman, mataas kasi ang talent fee ko, ha-ha-ha, joke lang ‘yun,” natawang sagot niya, sabay sabing, “walang nag-aalok sa akin. If ever, manager ko si Boy 2 (sabay hawak sa balikat ni Boy 2) kapag may nag-alok.”
Excited sina Neil at Boy 2 sa Luck at First Sight dahil tiyak na marami raw ang makaka-relate sa kuwento, lalo na ang mahihilig sumugal sa pag-ibig.
Pagkatapos naming makatsikahan si Neil Arce ay binalingan namin si Bela Padilla tungkol sa pagkaka-link ng ex-boyfriend niya kay Angel Locsin.
“Hindi ko nga po alam na magkasama sila, narinig ko lang po kanina rito, may nagtanong,” sagot ng aktres. “Wala pa pong nag-confirm sa akin, pero kung totoo man happy naman ako para sa kanila (Angel at Neil).”
Hindi pa nagkakausap sina Bela at Neil tungkol dito.
“Hindi kasi ako nagtatanong, ayokong magtanong.”
Ipinaalala namin kay Bela na nang huli namin siyang makausap ay nabanggit niya na may idini-date si Neil pero hindi niya alam kung sino, kaya mas mabuting ang ex-boyfriend na lang niya ang tanungin.
“Opo, alam kong nagdi-date siya, pero ayokong sa akin manggaling kasi baka mali, eh. Well, kung si Angel man ‘yun, masaya ako para sa kanya (Neil), mabait naman si Angel talaga and friends naman sila at may pinagsamahan naman sila dati pa. Kami rin ni Angel friends, saka nakakasama na namin nu’ng kami pa ni Neil,” pahayag ng aktres.
Ngayong hiwalay na sina Bela at Neil ay mas naging maayos ang samahan nila dahil puwede na nilang sabihin kung ano ang gusto nilang sabihin sa isa’t isa na hindi katulad noon na nagkakaalanganan pa’t baka may masaktan.
“Ngayon po kasi kapag nag-uusap kami (tungkol sa planong pelikula), kapag hindi niya (Neil) gusto, binabaril kaagad niya, so mas maganda ‘yung ngayon,” kuwento ng dalaga.
Tinanong na rin namin si Bela kung sino ang kasama niya nang manood ng Coldplay.
“Marami po kami kasi palipat-lipat ako, kasama ko sina Neil, sina Piolo (Pascual), sina Direk Joyce (Bernal), sina Zanjoe (Marudo), sina Hyubs (Azarcon).”
Hirit namin, pagkatapos ng concert, sino ang kasama niyang kumain sa labas?
“Nya-ha-ha-ha, marami po kaming magkakasamang kumain sa labas, sina Hyubs, sina Zanjoe, etc,” napatawang sagot ng dalaga.
In fairness, puro My Dear Heart cast ang kasama ni Bela na lumabas pagkatapos manood ng concert. (REGGEE BONOAN)