Patay ang isang kuliglig driver nang aksidenteng masalpok ng rumaragasang taxi sa Buendia Flyover sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Senior Police Officer 2 Frandy Laygo, ng Pasay Traffic Management Office, ang biktima na si Sanny Gagbo, nasa hustong gulang, ng Parola, Tondo, Maynila. Siya ay idineklarang dead on arrival sa Pasay City General Hospital matapos magtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan.

Kusa namang sumuko sa awtoridad ang suspek na si Ramoncito Valiente, 54, ng Karuhatan, Valenzuela.

Base sa inisyal na imbestigasyon, bandang 2:25 ng madaling araw, binabagtas ni Gagbo ang northbound lane ng Roxas Boulevard nang salpukin siya ng taxi (UWB 305) na minamaneho ni Valiente.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

Sa lakas ng pagkakasalpok, bumangga ang kuliglig sa center island ng Buendia Flyover at nawasak ang mga halaman habang tumilapon naman si Gagbo at matinding napinsala ang kanyang ulo.

Nagsiliparan din ang mga debri dahilan upang magkaroon ng tama ang isang Isuzu Tractor (ALA-7369) na minamaneho ni Roldan Retone na binabagtas ang kabilang linya.

Nadamay din ang isang pang truck, Fuso Tractor (ABX-7353) na minamaneho ni Ram Michael Pagara, makaraang mabangga ng Isuzu Tractor nang bigla itong huminto dahil sa aksidente.

Nang hingan ng salaysay, sinabi ni Valiente na si Gagbo ang mabilis magpatakbo sa pagnanais nitong mag-overtake at huli na nang maapakan niya ang preno nang sila’y magsalpukan.

Ayon kay Laygo, ipinagbabawal ang mga kuliglig na dumaan sa Pasay City ngunit marami umanong hindi sumusunod sa nasabing patakaran.

Sinabi ni Laygo na kasalukuyang nakakulong si Valiente sa Pasay City Jail at nakatakdang kasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide and damage to properties. (Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea)