Pinagtanggol ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon kaugnay sa pagkakadawit noon ng huli sa maanomalyang Southeast Asian (SEA) Games noong 2019.
Matatandaang inihayag sa publiko ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na magkakaroon daw sila ng fact-finding inquiry sa umano’y aabot sa ₱10 bilyong unliquidated funds at mga anomala sa 2019 SEA Games sa bansa.
Isa sa mga mainit na usapin dito ang pagtatayo ng New Clark City Sports Complex sa Tarlac at ang kontroberal na ₱50 milyong na stadium cauldron, kung saan nakaladkad ang pangalan ni Sen. Alan Peter Cayetano bilang House Speaker pa lang noon at si Dizon bilang CEO at presidente noon ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
KAUGNAY NA BALITA: 'Ilalaban ko na ito!' Sen. Alan, haharapin isyu ng 2019 SEA Games laban sa kaniya
Sa naging pahayag naman ni Castro sa isinagawa niyang press briefing nitong Huwebes, Hulyo 16, 2026, sinabi niyang isinailalim na raw si Dizon sa imbestigasyon noon at napawalang-sala na raw ang pangalan ng huli ugnay sa naturang isyu.
“Sa ating pagkakaalam, naimbestigahan si Sec. Vince Dizon noong mga panhon na ‘yon patungkol diyan sa isyu na yan. Siya ay naimbestigahan, umandar ‘yong pag-iimbestiga, at siya ay napawalang-sala. Meron pong ganoong record,” pagsisimula niya.
Ani Catro, batay raw sa pagkakaalam niya, hindi naimbestigahan sina Cayetano at iba pang mga sangkot dahil raw mabilis na nilinis ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pangalan ng senador kahit wala pa raw nagsisimulang imbestigasyon.
“Sa ating pagkakaalam, hindi naimbestigan [sina] Sen. Alan Peter Cayetano. At that time ay Speaker of the House. Hindi naimbestigahan ‘yong ibang mga maaaring nabanggit,” aniya.
Buwelta pa niya, “Dahil sa ating pagkakaalam, ang dating Pangulong Duterte ay nilinis na kaagad si Sen. Alan Cayetano, at that time, kahit wala pang umaandar na pag-iimbestiga.”
Pagpapatuloy ni Castro, malinis na raw ang pangalan ni Dizon kung ang pag-uusapan ang naturang isyu.
“As far as Sec. Vince Dizon is concerned, meron record na napawalang-sala siya at na-dismiss ang kaso dito,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag si Cayetano kaugnay sa nasaad na ito ni Castro.
KAUGNAY NA BALITA: Cayetano, ‘di nagustuhan hiling ni Matibag na tumestigo nang maaga sa impeachment