July 25, 2026

Home BALITA Probinsya

Gurong buntis na umawat sa away ng 2 estudyante, nasapak!

Gurong buntis na umawat sa away ng 2 estudyante, nasapak!
Photo courtesy: Unsplash

Nasugatan ang isang buntis na guro ng Basilan National High School matapos siyang aksidenteng matamaan habang umaawat sa away ng dalawang Grade 10 na mag-aaral sa loob ng silid-aralan noong Miyerkules, Hulyo 15, 2026.

Batay sa paunang imbestigasyon ng paaralan, nagsimula ang insidente sa isang mainitang pagtatalo ng dalawang estudyante na kalaunan ay nauwi sa pisikal na komprontasyon. 

Sa pagsisikap na mapahupa ang sitwasyon at maiwasan ang paglala ng gulo, namagitan ang guro ngunit aksidente itong natamaan ng suntok sa gitna ng pag-aaway.

Agad na dinala sa pinakamalapit na ospital ang guro upang masuri ang kaniyang kalagayan at matiyak ang kaligtasan ng kaniyang dinadalang sanggol. Matapos sumailalim sa mga kinakailangang pagsusuri, kinumpirma ng mga doktor na nasa maayos na kondisyon ang guro at ang kaniyang sanggol. Kalaunan ay pinayagan na rin siyang makauwi upang magpahinga at magpagaling.

Samantala, ipinaliwanag ng pamunuan ng paaralan na wala sa campus ang officer-in-charge school principal nang mangyari ang insidente dahil ito ay kasalukuyang nagpapagaling matapos ma-diagnose na may dengue fever. 

Probinsya

SK counselor arestado sa pagsapak sa kanilang Kapitana!

Bago ang kaniyang pagkakaospital ay nagtalaga na siya ng pansamantalang mamamahala sa operasyon ng paaralan.

Kaagad namang dinala sa Guidance Office ang dalawang estudyanteng sangkot sa insidente upang sumailalim sa kaukulang imbestigasyon at disciplinary procedures alinsunod sa umiiral na mga patakaran ng paaralan.

Patuloy pang inaalam ng school administration ang pinagmulan ng alitan sa pagitan ng dalawang mag-aaral sa pamamagitan ng pagkuha ng mga salaysay mula sa mga saksi at iba pang taong may kaugnayan sa insidente.

Binigyang-diin naman ng pamunuan ng Basilan National High School ang kanilang patuloy na pagsisikap na mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa loob ng paaralan, kasabay ng panawagan para sa mas pinaigting na conflict resolution programs at mga hakbang upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.