SA iniibig nating Pilipinas, ang tag-araw ay isang magandang panahon lalo na sa mga magsasaka sapagkat panahon ito ng pag-aani ng mga palay na bunga ng kanilang hirap, pagod, sipag at sakripisyo. Sa kanilang puso at kalooban, may hatid na tuwa kung masagana ang kanilang ani.
Matapat na nagpapasalamat sa Poong Maykapal kapag ang kanilang ani ay marami ang tulyapis (palay na walang laman), kung may nadarama pang lungkot ay hindi naman nawawalan ng pag-asa. May pasasalamat pa rin sa Diyos at nasa puso ang pag-asa at dalangin na sa susunod na tag-araw ay magkakaroon ng masaganang ani. Ganito rin ang inaasam ng mga nagtatanim ng gulay at ng iba pang pananim na pinagkukunan ng kanilang ikinabubuhay.
Kapag tag-araw, mahina ang simoy ng hanging Amihan na nagmumula sa silangan. Dahil dito, maalinsangan ang panahon at ang simoy ay parang hininga ng isang nilalagnat. Naninigid sa balat ang init at sikat ng araw.
Ngunit para sa iba nating mga kababayan, kamag-anak at iba pang mahal sa buhay na nasa ibang bansa, ang tag-araw ay isang mainam at magandang panahon ng pagbabakasyon at pagbabalik-bayan lalo na kapag Semana Santa.
Ang bakasyon ay isang magandang pagkakataon na makapag-reunion at mag-bonding; makapagsalu-salo sa agahan, tanghalian at hapunan. At makapamasyal at makapunta sa ilang magagandang lugar sa iniibig nating Pilipinas. Sa buhay ng inyong lingkod, ang pagsapit ng tag-araw, lalo na ng Semana Santa ngayong 2017, ay naging kakaiba, natatangi at makahulugan sapagkat lima sa aking mga kapatid, isang pamangking babae, kasama ang kanyang kabiyak na isang Olandes na pawang matagal nang naninirahan at nagtatrabaho sa Winnipeg, Manitoba, Canada ay nagbalik-bayan. Ang kanilang pag-uwi at pagbabalik-bayan ay aming pinaghandaan sapagkat kami ang Hermano o Host sa paggunita ng Huwebes Santo at pagno-novena sa imahen ni Sta. Maria Jacobe na namana sa aming ninuno. Ang imahen ni Sta. Maria Jacobe ay may 200 taon na. Ang nasabing imahen ang matibay na buklod ng Angkan ng Pugo (bansag o tawag sa aming angkan sa Angono).
Makalipas ang isang araw simula nang dumating ang aking mga kapatid at pamangkin, Marso 31 ay sinimulan ang pagdarasal at novena para kay Sta. Maria Jacobe. At nang sumapit ang kanyang kapistahan, ipinagdiwang at nagkaroon ng salu-salo ang aming angkan.
Sa Bibliya, si Sta. Maria Jacobe ang isa sa tatlong Maria (ang dalawa ay sina Sta. Maria Magdalena at Sta. Maria Salome) na sumunod sa pangangaral ni Kristo.
Si Sta. Maria Jacobe ay ang asawa ni Clorophas na kapatid ni San Jose na esposo ng Mahal na Birhen. Katabi rin sila ng Mahal na Birheng Maria sa Kalbaryo nang ipako sa krus si Kristo hanggang sa mamatay. Ang tatlong Maria rin ang dumalaw sa libingan ni Kristo at unang nakabatid sa Muling Pagkabuhay ni Kristo.
Sa pagsapit ng Huwebes Santo, ginawa ang pa-Rosario Cantada para kay Sta. Maria Jacobe. Dumalo ang aming mga kamag-anak na Angkan ng Pugo, ang mga apo at apo sa tuhod ng aming Lelong Asiang (Deogracias Bautista) at Lelang Metre (Demetria Vitor). Sila ang ama at ina ng aking Tatang at anim pang kapatid, ang pinagmulan ng Angkan ng Pugo.
Matapos ang Rosario Cantada, pinagsaluhan ang anim na putahe na pot luck na dala ng anim na apo na pinsan ng inyong lingkod at ang karagdagang pagkain na ipinaluto ng mga kapatid kong balikbayan. Naging reunion ang nasabing salu-salo. Dumagsa rin ang maraming panauhin at mga nakikain. At palibhasa’y maraming balikbayan, ang masayang kumustahan at kuwentuhan ay naging bahagi ng paggunita ng Huwebes Santo, ng Sabado de Gloria at ng Pasko ng Pagkabuhay.
Sa pagbabalik-bayan ng limang kapatid at isang pamangking babae ng inyong lingkod, muli nilang nasaksihan ang mga tradisyon at kaugalian sa Angono kung Semana Santa. Sa tulong ng dala nilang mga gadget, naitala nila ang nasabing mga tradisyon. Naipadala sa kanilang mga anak at apo na nasa Canada.
Naging bahagi ng paggunita ng Mahal na Araw sa Angono sa nakalipas na maraming taon ang hindi nila aktuwal itong masaksihan. At ngayong Abril 18, ang tatlo kong kapatid na babae, isang pamangking babae at ang asawa nitong Olandes ay pabalik na sa Canada. Susunod na babalik sa Abril 24 ang kapatid kong lalaki.
Sa kanilang pagbabalik sa Canada, magiging bahagi ng paalaman ang magkahalong saya at lungkot. Ang dalawang linggong pananatili sa Angono at pagsaksi sa mga tradisyon sa Angono, Rizal noong Mahal na Araw ay masasabing isang hindi malilimot na bahagi ng pagbabalik-bayan. (Clemen Bautista)