MANAMA, Bahrain—Sinaksihan nina Pangulong Rodrigo Duterte at His Majesty, King Hamad bin Isa Al Khalifa ng Bahrain, ang paglalagda sa apat na kasunduan nitong Huwebes ng gabi (Biyernes ng umaga sa Manila) sa Sakhir Palace dito na lalong magpapatibay sa magandang relasyon ng dalawang bansa.

Nilagdaan sa presensiya nina Pangulong Duterte at King Hamad ang Memorandum of Understanding sa pagtatatag ng High Joint Commission para sa bilateral cooperation ng Pilipinas at Bahrain; protocol sa pag-aamyenda sa convention ng dalawang bansa para maiwasan ang double taxation at fiscal evasion; protocol para amyendahan at suportahan ang air services agreement; at Memorandum of Understanding ng Foreign Service Institute ng Pilipinas at Diplomatic Institute ng Bahrain Foreign Ministry.

Sa hiwalay na okasyon sa Four Seasons Hotel, sinaksihan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglalagda sa kasunduang ng mga pribadong kumpanya sa Pilipinas at sa Bahrain na magpapalawak sa operasyon ng banana plantation sa Mindanao, partikular sa Davao, target ang karagdagang 10,000 ektarya ng sakahan para sa agricultural production.

Ang Memorandum of Understanding, nilagdaan sa pagitan ng AMA Group Holdings Corporation at Nader & Ebrahim Sons of Hassan Company W.L.L. (NEH) nitong Biyernes ng umaga ay magpapahintulot sa dalawang kumpanya na magbuhos ng karagdagang $250-milyon (P12.3 bilyon) puhunan sa loob ng tatlo o limang taon upang matiyak ang matagumpay na implementasyon ng expansion project.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

Naunang sinabi ni Philippine Ambassador to Bahrain Alfonso Ver na bukod sa saging, nais din ng dalawang kumpanya na mamuhunan sa pinya, lentil at monggo sa Davao at General Santos City.

Lumipad si King Hamad mula sa Saudi Arabia para personal na salubungin ang nagbibisitang Pangulo ng Pilipinas sa isang red carpet ceremony sa Palasyo bago ang paglalagda sa mga kasunduan.

Matapos ang welcome ceremony, nagpulong sina Pangulong Duterte at King Hamad sa Sakhir Palace. Sinundan itong paglalagda sa mga kasunduan, at official dinner na inihanda ng Hari para sa Pangulo.

Sa musical program sa hapunan, itinugtog ng Bahrain police orchestra ang paboritong awitin ng Pangulo na “Ikaw,” na isinulat ni George Canseco at pinasikat ni Sharon Cuneta.

Nang umagang iyon, nagsalo sa tanghalian sina Duterte at Sheikh Ali bin Khalifa Al Khalifa, Deputy Prime Minister ng Kingdom of Bahrain, sa Ritz Carlton Hotel.

Ngayong araw (Biyernes sa Bahrain), nakatakdang makipagpulong ang Pangulo kay His Royal Highness Salman Bin Hamad Bin Isa Al Khalifa, ang Deputy King, Crown Prince ng Bahrain sa Bahrain International Circuit.

Tatapusin ng Pangulo ang kanyang regular na meet and greet kasama ang Filipino community, sa Khalifa Sports City. - Roy C. Mabasa