Labindalawang Pilipinong deboto ang nagpapako sa krus sa apat na crucifixion site ng Pampanga kahapon na nasaksihan ng 40,000 lokal at dayuhang manonood sa gitna ng tirik na tirik na araw.

Kasabay nito, apat na faith healer naman ang ipinako rin sa krus sa Paombong, Bulacan.

Sa Barangay San Pedro Cutud sa San Fernando City, Pampanga, kabilang sa mga nagpapako sina Ruben Enaje, (lead Kristo), Orlando Valentine, Victor Caparas, Alfredo Bautista, Edwin Tirambulo, pawang lumaki sa nasabing nayon; at si Joel Ortega, tubong Singcang, Bacolod. Naniniwala umano sila na sa pamamagitan ng ginawang sakripisyo ay mapapatawad sila sa kanilang mga kasalanan at paraan na rin umano ng pasasalamat sa mga biyayang ipinagkaloob ng Panginoon.

Sa Bgy. San Juan, dalawang deboto—sina Alex Sunga, 60; at Wilfredo Salvador, 59—ang nagpapako sa krus bandang 10:00 ng umaga, ayon kay Romy Gamboa, San Juan crucifixion committee president.

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador

Halos tatlong kilometro ang layo mula sa Bgy. Cutud at Bgy. San Juan, tatlong deboto rin ang nagpapako sa krus sa Bgy. Sta. Lucia, at isa pa sa Bgy. Calulut.

Ayon kay Bgy. San Pedro Cutud Chairman Zoilo “Tol” Castro, Jr., mahigit 2,000 dayuhan, kabilang ang African ambassador, ang nakasaksi sa pagpapapako ng mga Pilipino sa manmade Golgotha.

Samantala, apat naman ang nagpapako sa krus sa Bulacan.

Sa pagsasadula sa paghihirap ni Kristo, apat na albularyo ang “captured” ng mga residente sa kanilang pagganap sa Roman Centurions at pagbubuhat ng krus patungo sa man-made Golgotha. Isa sa kanila ay ipinako noong Huwebes at tatlo naman kahapon.

Ayon sa mga faith healer, isa ang pagpapahirap at pagpapapako sa kanilang mga paraan upang humingi ng kapatawaran sa Panginoon. - Franco G. Regala at Freddie C. Velez