Matapos ang sunud-sunod na pagyanig na naitatala sa bansa sa unang bahagi ng taon hanggang sa nakalipas na mga araw, hinimok ni Senador Leila de Lima ang Senado na alamin kung gaano kahanda ng mga nasa Metro Manila at iba pang earthquake-prone areas sa inaasahang pagtama ng “Big One.”

Ayon kay De Lima, sa Senate Resolution No. 322 na inihain niya noong Marso 13, kinakailangang imbestigahan ng Senate committee kung sapat na ang kahandaan ng Metro Manila sa posibleng pagtama ng 7.2-magnitude na lindol na matagal nang ibinabala na ng mga eksperto.

Inihain ng nakakulong na senadora ang nasabing panukala kasunod ng magnitude 6.7 earthquake na tumama sa Surigao City noong Pebrero na pumatay sa walong katao at ikinasugat ng 209. Nawasak ang ilang istruktura, kabilang na ang mga paliparan at tulay sa siyudad.

Tinamaan din ng magnitude 5.9 na lindol ang Surigao noong Marso 5, na naging sanhi ng pagkamatay ng isang tao at ikinasugat ng 42.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

Abril 4 naman nang niyanig ng magnitude 5.4 ang Tingloy, Batangas, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs). Makalipas ang ilang araw, Abril 8, muling nilindol ang Batangas, sa pagkakataong ito ay sa bayan ng Mabini, na pinakamalakas ang magnitude 6.

Kahapon, magnitude 6.0 naman ang yumanig sa hangganan ng Lanao del Sur at Bukidnon, isang araw makaraang yanigin din ang Davao.

“There is a need for a holistic assessment and strengthening of the respective capacities of national government agencies, local government units and other stakeholders to mitigate, respond and recover from a potential massive earthquake,” ayon kay De Lima. (Hannah L. Torregoza)