Apat na matataas na kalibre ng baril at ilang bala ang nadiskubre sa Iglesia ni Cristo (INC) compound sa Quezon City nitong Lunes ng hapon, kinumpirma kahapon ng pulisya.

Isiniwalat kahapon sa media ng Talipapa Police-Station 3 na nakuha ang mga armas mula sa gusaling dating inookupahan ng itiniwalag na miyembro ng INC na sina Angel Manalo at Lottie Manalo-Hemedez at kanilang mga tagasuporta sa loob ng pinag-aagawang compound sa No. 36 Tandang Sora Avenue, Barangay New Era.

Sinabi ng pulis na ang naglalakihang armas ay itinago sa kisame ng isa sa mga kuwarto.

Bandang 4:30 ng hapon, inaayos ni Rogelio Gragasin, electrician, ang linya ng kuryente sa abandonado na ngayong gusali nang madiskubre niya ang dalawa rifle, dalawang shotgun at iba’t ibang uri ng bala.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

Sa sobrang takot, agad itong ini-report ni Gragasin sa guwardiyang si Robert Ben Calderon na siyang nagparating sa PS-3.

Kinumpirma ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Explosive Ordnance Division na ang hinihinalang pampasabog ay mga bala ng M-40 grenade launcher na binungkos gamit ang chicken wire.

Samantala, nakuha naman ng mga pulis ang isang Winchester M-14 US assault rifle, na may serial number na 1241254; isa Akkar Silah Sanayi Altay 12-gauge shotgun, na may serial number na 10102928; isang Squibman 12-gauge shotgun, na may serial number na 132337; at isang Stern Ruger small bore rifle, na may serial number na 184-36470.

Nakatakdang i-turn over ang armas sa PNP headquarters sa Camp Crame upang makilala ang may-ari.

Kasalukuyang nakakulong si Manalo at dalawang iba pa sa Camp Bagong Diwa, Bicutan Taguig City at nahaharap sa kaulang kaso kaugnay ng pagkakakumpiska ng matataas na kalibre ng baril at pampasabog sa loob ng kanilang gusali na ni-raid noong Marso 2.

Ilang araw matapos silang arestuhin, noong Marso 8, nadiskubre ang mahigit 100 matataas na kalibre ng baril at libu-libong bala ng iba’t ibang kalibre ng baril sa nasabi ring gusali. (Vanne Elaine P. Terrazola)