July 12, 2026

Home BALITA

Magsasakang senior citizen, patay sa landslide

Magsasakang senior citizen, patay sa landslide
Photo courtesy: Unsplash

Isang 68-anyos na magsasaka ang nasawi matapos matabunan ng gumuhong lupa sa Barangay Nagba, Tubungan, Iloilo nitong madaling araw ng Linggo, Hulyo 12, 2026.

Kinilala ng mga awtoridad ang nasawing residente na si alyas, “Placido” na natutulog umano sa loob ng kaniyang bahay nang mangyari ang insidente. 

Agad na nagsagawa ng retrieval operation ang mga responder upang mahanap at mailabas ang katawan ng biktima mula sa mga debris ng landslide.

Samantala, kaugnay pa rin ang epekto ng masamang panahon, mahigit 100 pamilya sa Barangay Buyu-an sa Tigbauan ang napilitang lumikas matapos mabilis na tumaas ang tubig-baha at lumubog ang kanilang mga tahanan. 

Marami sa mga residente ang hindi na nakapagsalba ng kanilang mga kagamitan at mahahalagang ari-arian dahil sa bilis ng pag-apaw ng tubig.

Metro

Pansamantalang pagbabago sa traffic sa NAIA 3, epektibo simula Hulyo 15

Pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center ang mga pamilyang naapektuhan habang patuloy ang pagbabantay ng mga lokal na pamahalaan sa lagay ng panahon at posibilidad ng panibagong pagbaha sa mga mabababang lugar.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), pinalakas ng bagyong Inday ang southwest monsoon o habagat na nagdulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa Western Visayas at iba pang bahagi ng bansa nitong mga nakalipas na araw. 

Bagama't nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo, inaasahang magpapatuloy pa rin ang epekto ng habagat sa ilang lugar. 

Batay rin sa pinakahuling tala ng Office of Civil Defense, mahigit 123,000 pamilya sa iba't ibang bahagi ng bansa ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng bagyong Inday at habagat, habang patuloy ang monitoring sa mga lugar na nasa panganib ng pagbaha at pagguho ng lupa.