KATHNIEL1 copy

MIYERKULES Santo na kaya handang-handa na ang mga celebrity sa pinakahihintay nilang bakasyon, simula bukas hanggang Easter Sunday, sa gitna ng ngaragang tapings ng kani-kanilang teleserye.

Nakagawian nang mag-out of town o magtungo sa ibang bansa ng mga artista at iba pang sikat na personalidad tuwing sumasapit ang Semana Santa, para makapagpahinga sa paspasang trabaho o makapagpalamig dahil nga sobra ang init ng panahon sa Metro Manila. May iba namang mas gusto lang magbabad sa bahay o sa hotel para may privacy sila lalo na kung kasama ang kanilang significant other.

Anyway, unahin na natin ang pamilya Atayde na sa isang private resort sa Subic, Zambales ang tungo para magpahinga lalo na ang mag-iinang Sylvia, Arjo at Ria na halos araw-araw ang taping sa The Greatest Love, FPJ’s Ang Probinsyano at My Dear Heart.

Trending

Co-founder ng Lola Nena’s nagsalita sa isyu ng ‘working lunch’ video

Bukod sa Pasko, sa ganitong panahon lang talaga nagkakasama-sama nang matagal-tagal at kumpleto ang buong pamilya Atayde na walang trabahong iniisip. Kaya nagbabakasyon sila para mamasyal, mag-swimming, at magluto’t kumain na hilig nila.

Dahil pagbalik nila ng Manila, sasabak ulit sila sa ngaragang taping lalo na si Ibyang sa nalalapit na pagtatapos ng The Greatest Love.

Ang mag-asawang Richard Poon at Maricar Reyes naman ay walang planong umalis ng bansa dahil ayon sa singer ay sa “Bahay namin at bahay ng kaibigan lang” sila magpapalipas ng Mahal na Araw.

Nagtanong kami kung may Semana Santa sila.

“Holy Week sa Chinese? Hindi ko sure, he-he-he,” sagot ni Richard.

Wala pang plano kung saan gugunitain ng mag-inang Vina Morales at Ceana ang Holy Week nang kontakin namin. Baka raw stay-cation lang sila, tutal may swimming pool naman ang bagong bahay ng singer/actress kaya puwede na silang magbabad doon ng anak. At baka dumalaw din daw ang mga pamangkin at kapatid nila ni Shaina Magdayao.

Wala ring planong magliwaliw si Shaina na halos hindi na matapos sa kati- taping ng teleseryeng The Better Half kasama sina Carlo Aquino, JC de Vera at Denise Laurel.

Tuwing Holy Week taun-taon ay nasa Palawan si Derek Ramsay kasama ang buong pamilya. Nagpagawa sila ng bahay cum resort doon at doon niya niyayayang magbakasyon ang kanyang mga kaibigan para masaya.

Kauuwi lang ni Angeline Quinto mula sa show ng Birit Queens sa Abu Dhabi kaya sa Sampaloc, Manila siya magse-Semana Santa. May pabasa sila ng kanyang Mama Bob at ito na ang nakasanayan niya simula noong bata pa siya.

Sa Boracay magpapalipas ng Mahal Na Araw ang pamilya ni Karla Estrada kasama siyempre si Daniel Padilla at mga kapatid nito with Kathryn Bernardo and family, kaya tuluy-tuloy pa rin ang 2017 Summer Love ng KathNiel. Kahit constant ang kanilang date sa paspasang promo ng new movie nilang Can’t Help Falling In Love (ipapalabas ng Star Cinema simula sa Sabado de Gloria), magkasama pa rin sila ngayong Semana Santa.

Palipat-lipat naman sa iba’t ibang parte ng Amerika ngayon sina Sam Milby, Rayver Cruz, Jodi Sta. Maria, Piolo Pascual at iba pa para sa Star Magic 25th anniversary tour. Kaya hindi nila mararanasan ang matinding init dito sa Pilipinas.

Hindi naman sinagot nina Vice Ganda, Angel Locsin at Boy Abunda ang text namin nang aming tanungin kung saan sila magpapahinga ngayong Holy Week. Baka ayaw nilang ipaalam, para sa privacy nila. (Reggee Bonoan)

[gallery ids="236754,236755,236756"]