Pinaalalahanan ng Manila Police District (MPD) ang publiko na huwag ipaskil sa social media, tulad ng Facebook at Twitter, ang kanilang mga plano at litrato sa pagbiyahe ngayong Semana Santa upang hindi mabiktima ng kawatan.

Ayon MPD Director Police Chief Supt. Joel Coronel, kapag nagpaskil ka ng detalye ng iyong mga biyahe sa social media ay parang iniimbitahan mo na rin ang magnanakaw na pasukin ang iyong bahay at ari-arian.

“Paalala lang po ‘wag nang ipaalam sa FB, sa social media, na sila ay aalis at walang maiiwan sa kanilang mga tahanan,” ani Coronel. “Hangga’t maari, ‘wag na nilang ipaalam sa mga hindi naman po dapat makaalam sa kanilang mga schedule saka mga pupuntahan nila kasi tumataas po ang insidente ng akyat-bahay ‘pag may mga bahay na naiiwang walang tao.”

Payo pa ni Coronel, kung maaari ay mag-iwan ng bantay sa bahay kung aalis ngunit kung hindi talaga maiiwasan ay ipagpabilin na lamang sa mapagkakatiwalaang kapitbahay o kaibigan. Huwag ding mag-iwan ng mahahalagang bagay sa tahanan at makipag-ugnayan sa mga pulis para maikutan at mabantayan ang inyong kapaligiran. (Mary Ann Santiago)

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador