NEW YORK (AP) — Balik-aksiyon si Dwyane Wade sa Chicago, ngunit bigo siyang maisalba ang Bulls sa makapigil-hiningang 107-106 kabiguan sa Brooklyn Nets nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Naisalpak ni Spencer Dinwiddie ang apat na free throw sa huling 13.6 segundo para ibigay sa Nets ang panalo sa kanilang huling laro sa harap ng home crowd. Kumubra siya ng 19 puntos, gayundin si rookie Caris LeVert.

Nanguna si Jimmy Butler sa Bulls sa naiskor na 33 puntos, subalit sumablay ang potensyal na game-winning three-pointer bago ang huling dalawang free throw ni Dinwiddie. Tabla ang Bulls sa Miami heat sa No.8 spot sa Eastern Conference.

Nagbalik si Wade matapos ang ilang linggong pahinga bunsod ng injury sa kanang siko at tumapos na may 14 puntos.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

TRAIL BLAZERS 101, JAZZ 86

Sa Portland, Oregon, naitala ni Damian Lillard ang franchise-record 59 puntos at napantayan ang career high na siyam na three-pointer sa panalo ng Traliblazers kontra Utah Jazz.

Nalagpasan ni Lillard ang dating record na 54 puntos ni Damon Stoudamire sa impresibong step-back three-pointer.

Bunsod ng panalo, umusad ang Blazers sa Denver Nuggets para sa No. 8 spot sa Western Conference tungo sa huling dalawang laro sa regular season.

Naitala rin ni Lillard ang ika-27 laro na umiskor siya ng 30 pataas sa isang season, pinakamataas sa prangkisa. Nabura niya rin ang record ni Stoudamire noong Jan. 14, 2005, sa New Orleans.

WARRIORS 123, PELICANS 101

Kevin Durant, NBA
Kevin Durant (AP Photo/Marcio Jose Sanchez)
Sa Oakland, California, balik-aksiyon din si Kevin Durant sa Golden State at sinimulan ng laro sa isang reversed dunk tungo sa 16 puntos, 10 rebound at anim na assists sa panalo ng Warriors kontra New Orleans Pelicans.

Hindi naglaro ang two-time reigning MVP na si Stephen Curry bunsod nang pamamaga ng kaliwang tuhod, ngunit ang pagbabalik ni Durant mula sa injury sa kanang tuhod ay sapat na para makopo ng Golden State ang ika-14 na sunod na panalo – pinakamahabang winning run sa NBA ngayong season.

Nag-ambag si Klay Thompson ng 20 puntos at kumubra si Draymond Green ng 13 puntos at walong rebound.

CLIPPERS 98, SPURS 87

Sa San Antonio, ginapi ng Los Angeles Clippers, sa pangunguna ni Chris Paul na may 19 puntos, ang Spurs para sa ikalimang sunod na panalo.

Hataw din si DeAndre Jordan sa nakubrang 17 puntos at 17 rebound para patatagin ang kampanya na makuha ang hosting sa first-round playoff series.

Sa panalo, napantayan ni Doc Rivers ang record ni Mike Dunleavy para sa Clippers franchise 215 panalo sa regular-season.

Nanguna si Kawhi Leonard sa Spurs, sigurado na sa No.2 spot sa West playoff, sa naiskor na 28 puntos, habang nag-ambag si LaMarcus Aldridge ng 18 puntos.

CELTICS 121, HORNETS 114

Sa Charlotte, North Carolina, ratsada si Isaiah Thomas sa naisalansan na 32 puntos sa panalo ng Boston Celtics kontra Hornets at buhayin ang kampanya para sa No. 1 seed sa Eastern Conference playoffs.

Nag-ambag si Al Horford ng 16 puntos, habang kumana si Kelly Olynyk ng 13 puntos at 11 rebound para makumpleto ng Boston ang four-game sweep sa Charlotte ngayong season at makadikit ng kalahating laro sa Cleveland Cavaliers para sa top seeding.

May nalalabi pang dalawang road game ang Cavaliers (51-28) kontra sa Atlanta at Miami bago ang home game laban sa Toronto. May dalawang home game pa ang Celtics (51-29) laban sa Brooklyn at Milwaukee.

Sa isa pang laro, naungusan ng Miami Heat ang Washington Wizards, 106-103; tinalo ng Milwaukee Bucks ang Philadelphia Sixers, 90-82; at ginapi ng Indiana Pacers ang Orlando Magic, 127-112.