MAKABAGBAG-DAMDAMIN ang pahayag ng isang beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig: “Mangilan-ngilan na lamang kaming sundalong Pilipino na nakipaglaban noong rebolusyon.” Katunayan, buong kapighatian niyang ipinahiwatig na siya na lamang ang pinakamatandang nabubuhay na beterano sa aming barangay – sa Batitang, Zaragoza, Nueva Ecija – at maaaring sa buong lalawigan. Ilang tulog na lamang at 95-anyos na si Tata Elpidio Lagmay na nagkatong pinsang-buo ng aming ama.

Sa kabila ng katandaan ni Tata Pidyong, taglay pa niya ang makabayang hangarin na dumalo sa makasaysayang paggunita bukas, Abril 9, sa Bataan Day. Nais niyang minsan pa ay masaksihan ang larangan ng labanan o battlefield na naging eksena ng malagim na engkuwentro ng mga sundalong Amerikano, Hapon at ng ating mga kababayang Pilipino. Dangan nga lamang at hindi na niya kakayaning makapaglakbay – paika-ika na siya bagamat malinaw pa ang kanyang mga mata at matalas ang pag-iisip.

Nais sana niyang masaksihan at marinig ang mga talumpati ng mga opisyal ng US at Japan hinggil sa pagsariwa sa kabayanihan, katapangan at pagkamakabayan ng kani-kanilang mga kawal na lumahok sa madugong digmaan. Higit sa lahat, nais sana niyang makadaupang-palad ang sinumang mataas na pinuno ng ating gobyerno. Hanggang sa isinusulat ito, hindi ko pa matiyak kung dadalo sa makasaysayang okasyon si Pangulong Duterte, tulad ng nakaugalian tuwing Bataan Day.

Sa anu’t anuman, aabangan na lamang bukas ni Tata Pidyong ang ano mang magiging pahayag ng sino man hindi lamang ang tungkol sa kadakilaan ng mga beterano; nais niyang minsan pa ay marinig ang mga biyaya na nakaukol sa kanilang mga beterano bilang katumbas ng kanilang hindi masusukat na pagpapakasakit sa pagtatanggol ng ating kasarinlan; dugo at buhay ang kanilang pinuhunan sa pakikipaglaban sa mga dayuhang mananakop. Hindi biro ang buhay na nakitil sa hanay ng mga Kano, Hapon at sa mismong mga Pilipino. Mabuti na lamang at maliban sa pambubugbog ng mga kalaban, nananatili siyang buhay hanggang ngayon.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Pinanabikan ni Tata Pidyong ang implementasyon ng kahit kakarampot lamang na dagdag sa pensiyon ng mga beterano, tulad ng paulit-ulit na ipinangangako ng nakalipas na mga administrasyon sa pamamagitan ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO). Nalimutan kong itanong kay Tata Pidyong kung natikman na niya ang biyaya na nanggaling sa US government.

Sa pagtatapos ng aming pag-uusap, damang-dama ko na nakalatay pa rin sa kamalayan ni Tata Pidyong ang alaala ng malagim na digmaan. (Celo Lagmay)