INILUNSAD ng munisipalidad ng Valencia sa Negros Oriental ang pinakamalaki nitong kampanyang pangturismo para umakit ng mas maraming turista na tamang-tama ngayong tag-init at upang mapag-ibayo pa nito ang mga aktibidad at mga programang pangturismo.
Inihayag ni Valence Tourism Officer Albert Tubal nitong Linggo ng gabi, sa paglulunsad sa Tierra Alta na tatawaging “Trade Launch”, ang bagong kampanya sa turismo.
Sa idinaos na launching, ipinakilala ang Valencia Premiere Culture Group, na mula sa mga talentadong kabataang Valencianon, na nagpakita ng kanilang husay sa pagsasayaw at pagkanta.
Idinagdag pa ni Tubal na kabilang sa promotional tourism campaign ang Chada Valencia advertisement na ipalalabas sa lokal na telebisyon.
Para naman kay Vice Mayor Romeo Alviola, sinabi niya sa mga mamamahayag na makatutulong ang promotional tourism campaign upang higit na maiangat ang industriya ng turismo at mahikayat ang mga dayuhan at lokal na turista na bumisita sa iba’t ibang tourism spot sa nabanggit na bayan.
Pinuri ni Alviola ang tulong ng mga organisasyon, tulad ng mga may-ari ng mga resort, para sa pagtulong sa industriya ng turismo ng Valencia.
“We have plenty of nice resorts, food and souvenirs in Valencia,” ani Alviola.
Kinikilala ang bayan ng Valencia bilang isa sa mga pinakapopular na dinarayo ng turista sa Negros Oriental. (PNA)