KHAN SHEIKHUN (AFP) – Sumiklab ang galit ng mundo sa chemical attack sa hilagang kanluran ng Syria na ikinamatay ng maraming sibilyan kabilang na ang mga bata.
Naganap ang pag-atake sa bayan ng Khan Sheikhun nitong Martes ng umaga nang magpakawala ng ‘’toxic gas’’ ang mga eroplanong pandigma, sinabi ng Syrian Observatory for Human Rights monitoring group.
May 72 sibilyan ang namatay, 500 ang nasugatan, at maraming mamamayan ang nagkaproblema sa paghinga at dumanas ng mga sintomas ng pagsusuka, pagkahimatay at pagbula ng bibig.
Kabilang sa mga namatay ang 20 bata at 13 babae, ayon sa Observatory. Kapag nakumpirma, ito na ang pinakamalalang chemical attack sa anim na taong digmaan sa Syria.
Sinisi ng oposisyon ng Syria ang puwersa ni President Bashar al-Assad sa pag-atake. Itinanggi ito ng army at sinisisi ang ‘’terrorist groups’’ sa paggamit ng ‘’chemical and toxic substances’’.
Kinondena ng mundo ang insidente at kaagad na nagprisinta ang United States, France at Britain ng draft resolution sa UN Security Council na humihiling ng full investigation.
‘’This is clearly a war crime,’’ sabi ni British Ambassador Matthew Rycroft sa mamamahayag.
Ilang oras matapos ang unang pag-atake, tinamaan din ng mga air strike ang isang ospital sa bayan, ayon sa AFP correspondent. Tatlong pasyente ang namatay.
Ang Khan Sheikhun ay nasa Idlib province, na kontrolado ng Tahrir al-Sham, ang alyansa ng mga rebelde na kinabibilangan ng dating kaalyado ng Al-Qaeda na Fateh al-Sham Front. Sumumpa ang grupo na ipaghihiganti ang mga namatay.
Mahigit 320,000 katao na ang namatay sa Syria simula nang sumiklab ang digmaan noong Marso 2011 sa mga protesta laban sa gobyerno.